Ni Marivic Awitan

HINDI makuha ni reigning league 4-time MVP na si Junemar Fajardo ang kanyang dating laro sa ginaganap na 2018 PBA Philippine Cup Finals series.

Matapos ang unang dalawang laban ng best-of-seven series, kita ang pangangapa ng 6-foot-10 Cebuano slotman.

Bagama’t tumapos na topscorer sa Game 1 sa naitalang 31 puntos, nagtala rin siya ng 11 turnovers bago nalimitahan sa 12-puntos lamang nitong Game 2 buhat sa average na 22.9 puntos, 12.9 rebounds at 1.9 blocks bago mag Finals.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Pero sa kabila nito, nagawa pa ring maitabla ng San Miguel ang serye at ito ang ipinagpapasalamat ni Fajardo sa kanyang mga kasangga.

“Maganda yung depensa ng Magnolia. Yun ang binibigay nila sa amin, lalo na sa akin” ani Fajardo. “Yun ang tine-take namin. Okay lang na iba ang umiscore.

“Credit din sa teammates ko, nag-step up sila, si Brian (Heruela), si Billy (Mamaril). Yung mga pinasok ni coach, nag-step up. Sana tuloy-tuloy,” aniya.

May pitong araw na break bago ang muling paghaharap ng Beermen at Hotshots dahil sa paggunita ng Semana Santa.

Ngunit, bago mag break magkakaroon sila ng ensayo bago muling sumabak sa aksiyon sa darating na Linggo ng Pagkabuhay.

“Ensayo pa rin sa Tuesday, Wednesday, Thursday. Let’s see how hard they work in practice, then maybe I will give them another day to reflect, dahil it’s Holy Week and baka magalit ‘yung nagbibigay sa amin ng blessings,” ayon kay SMB coach Leo Austria.

“Parehong may advantage sa parehong teams. Sila pagod sila galing semis, kami napagod din kami so kailangan din naming magpahinga,” ayon naman kay Fajardo.

“Kailangan lang naming gamitin ng maayos yun, mag-practice kami. ‘Di kami puwedeng mag-relax, hindi namin puwedeng isipin na bakasyon yung one week na yun. Kailangang gamitin namin ng maayos para ready kami sa Game Three,” dagdag nito.