ni Ric Valmonte
MAY iba’t ibang rekomendasyon kung kailan ipasasara ang Boracay Island para daw malinis ito. Ang isyu ay ang kailangang haba ng panahon para sa layuning ito. Pero, ang pinakamahaba ay isang taon. Kung kailan isasara at hanggang kailan ay na kay Pangulong Duterte na. Ang mga rekomendasyon ay naaayon sa naunang kautusan ng Pangulo na kung hindi maaayos ang Boracay ay ipasasara niya ito. Marumi raw at lahat ng klaseng dumi ay napupunta sa dagat na pinaliliguan at pinaglilibangan ng mga dumadalaw sa isla. Ang mga itinuturong nangdudumi sa lugar ay ang mga dukha na nagtayo ng kanilang sari-sari store at maliit na tindahan para makiamot sa kinikita ng lugar. Ang mga naglalakihang gusali na ang negosyo ay pagpaparenta ng mga silid para maging pansamantalag tirahan ng mga tao o ng mga dayuhan para matamasa nila ang kagandahan ng lugar.
Dahil naniwala sila, o natakot sa Pangulo, giniba ng mga dukha ang kanilang pinagkakakitaan at nilisan ang kanilang lugar. Ganoon din ang ginawa ng mga may-ari ng mga gusali na sinakop na ang bahagi ng dagat. Hindi pa pala raw sapat ang kanilang ginagawa para tuluyang maayos at malinis ang Boracay. Kailangan daw na pansamantalang isara ito.
Kaya nga, hiningian ng rekomendasyon ang Department of Enviroment and Natural Resources at iba pang ahensiya ng gobyerno, na ang naging bunga ay ang rekomendasyon ng DENR, na ayon kay Sec. Cimatu ay isinumite na niya sa Pangulo. Umalma ang mga masasaktan ng gagawing pagsara lalo na iyong mga lubusang nakikinabang sa lugar. Marami, anila, ang mawawalan ng trabaho. Matitigil ang malaking salaping pumapasok sa kaban ng bayan bilang isa sa mga dinarayong tourist spot sa bansa.
Makatulong kaya ang reklamo nilang ito? Eh Pebrero pa lang pala ng taong ito ay nag-junket na ang mga opisyal ng pamahalaang lokal na nakasasakop ng Boracay sa Macau, China, at ilan dito ay sina Aklan Gov. Florencio Minaflores at May Mayor Ciceron. Inimbitahan sila sa Galaxy Macau ng may-ari ng higanteng casino operator ng Galaxy Entertainment Group na ang local partner ay ang Leisure Resorts World Corp. (LRWC). Inanunsiyo ng LRWC noong nakaraang linggo na nakuha nito ang 23 ektarya sa Barangay Manoc-Manok para tayuan ng higanteng casino.
“Labag ito sa layuning pansamantalang pagsasara ng isla para linisin ito ng mga ilegal na istruktura at maayos ang pagpapatakbo ng mga tourism activities na isinasagawa ng pamahalaang nasyonal,” sabi ng mga tumututol sa pagpapatayo ng casino. “Pagpapatayo ng casino ay hindi paglilinis ng Boracay, gagawin pa nga itong higit na marumi,” wika naman ni Kalibo Bishop Jose Corazon Tala-oc. Ganito itago ng Pangulo ang nais niyang gawin na ikapipinsala ng taumbayan. Sino ang hindi sasang-ayon na maging malinis ang Boracay? Pero, hindi katanggap-tanggap na lilinisin mo lang ito para maging magandang lugar ng casino.