Ni Marivic Awitan

PINATATAG ng University of Santo Tomas ang kampanya na makahirit sa Final Four nang pabagsakin ang National University, 22-25, 25-23, 25-21, 25-9, kahapon sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament sa Araneta Coliseum.

Hataw sina Sisi Rondina at Fil-Italian Milena Alessandrini para sandigan ang Tigresses sa 4-7 marka para sa No.6 spot.

Nanatiling bokya ang NU sa second round, ngunit nanatiling nasa loob ng Final Four tangan ang 6-5 marka.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nangunguna ang La Salle na may 9-2 karta, kasunod ang Ateneo (7-3) at Far Eastern University (7-4).

Samantala, pinalakas ng University of Santo Tomas ang kanilang tsansang makaabot sa Final Four round matapos padapain ang De La Salle University, 25-22, 25-20, 14-25, 25-21 kahapon sa men’s division.

Nagposte ang transferee mula University of the East na si Joshua Umandal ng 18 puntos ,17 dito ay galing sa attack points upang pamunuan ang Tigers sa panalo na nag-angat sa kanila sa solong ika-4 na puwesto hawak ang kartadang 5-6, panalo-talo kasunod ng mga nauna ng semifinalists National University, Far Eastern University at 3-time defending champion Ateneo de Manila University.

Nagdagdag naman ng 12 puntos si Manuel Medina na sinundan ni Tyrone Carodan na umiskor ng 11 puntos para sa UST.

Lamang pa ang Green Spikers sa lahat halos ng aspeto ng laro mula sa hits, 54-50, aces, 5-1, excellent receptions ,55-48 ngunit sinamantala ng Tigers ang kanilang 29 errors.

Dahil dito, nakumpleto ng Tigers ang 2-game sweep kontra Green Spikers ngayong season kasunod ng 5-sets win nila dito noong first round.