Ni Ric Valmonte

SA magkahiwalay na petisyon, hiniling ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at ng Makabayan Bloc sa Korte Suprema na makalahok sila sa kasong quo warrant petition na isinampa ng Office of the Solicitor General (OSG) laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Layunin ng petisyon na patalsikin ang CJ dahil hindi nito kumpletong isinumite ang kanyang Statement of Assets and Liabilities (SALN) bago siya nahirang. Dahil dito, nawalan ng bisa ang kanyang pagkahirang, ayon sa OSG. Ngunit nang ihain nito ang petisyon, umuusad na ang pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment complaint na idinulog naman ni Atty. Lorenzo Gadon laban sa Punong Mahistrado.

Hindi yata makapaghintay ang mga kaalyado ni Pangulong Duterte na mapatalsik ito. Bagamat umuusad sa House Committee on Justice ang kaso, katunayan nga ay pinagtibay nito ang articles of impeachment, gugugol pa ito ng panahon bago maisalang sa plenaryo para pagdebatehan. Ayon kay Chariman Umali, malamang na matalakay ito sa pagbubukas ng session pagkatapos ng State of the Nation Address ng Pangulo. Kaya, itong petisyon quo warranto ang shortcut upang maalis sa puwesto si CJ Sereno. Sa petisyong quo warranto, hindi nag-iisa si Sereno sa kanyang paglaban. Sinamahan siya ng dalawang grupo— ang IBP, na samahan ng mga abogado sa buong bansa, kasama ang batikang human rights lawyer na si Rene Saguisag; at ang Makabayang bloc, na binubuo ng mga militanteng Party List Representative.

Ang pagtataguyod at pagtatanggol sa rule of law at due process ang nagtulak sa mga ito upang ibigay ang kanilang suporta kay CJ Sereno. Ang laban kasi niya ay laban ng taumbayan. Kaya, ang Korte Suprema ay naging larangan ngayon ng labanan sa pagitan ng taumbayan at ng mga taong nais gibain ang rule of law at due process. Eh, batayan ang mga prinsipyong ito ng demokrasya.

Ang mga ito ay manipis na linyang nasa pagitan ng sibilisadong lipunan at gubat, ng tao, at hayop. Alisin mo ang linyang ito at wala nang pinagkaiba ang tao at ang hayop, ang sibilisadong lipunan at ang gubat na ang mananaig ay ang mga malakas at makapangyarihan. Ang mga demokratikong prinisipyong ito ay kinamumuhan ng Pangulo, ngunit ngayon ay isinisigaw niya para sa kanyang pansariling proteksiyon

laban sa grupo ng mga taga United Nations na nag-iimbestiga sa kanya sa salang crime against humanity kaugnay ng kanyang war on drugs. Kailanman ang katarungan ay hindi paiilalim at lalakas ang taumbayan para isulong ito.