HANOI (AP) – Sumiklab ang sunog sa isang condominium complex sa Ho Chi Minh City ng Vietnam kahapon ng umaga na ikinamatay ng 13 katao at ikinasugat ng 27 iba pa, sinabi ng pulisya. Karamihan sa mga biktima ay namatay sa suffocation o sa pagtalon mula sa matataas na palapag.
Hindi pa malinaw kung may nawawala, sinabi ng city fire and police department, na tumangging magbigay ng karagdagang detalye
“We were sleeping when the fire alarm went off, we all rushed out to the staircases,’’ sinabi ng residenteng si Le Thi Cam sa pahayagang VnExpress.
Ang tatlong gusali na mayroong mahigit 700 apartments ay itinayo anim na taon na ang nakalipas sa southern commercial hub ng Vietnam. Mayroong 14 hanggang 20 palapag ang mga ito.
Sinabi ng Vietnam News Agency na nagsimula ang sunog sa basement parking area at inabot ng mahigit isang oras ang 200 bombero bago nakontrol ang apoy.