NI Dave M. Veridiano, E.E.
ISA sa mga isyung mainit na pinagtatalunan sa mga kampo sa Metro Manila ay ang isinasabatas ng dalawang lider representante sa kongreso na kamakailan lamang ay naging tampulan ng kantiyaw sa social media, dahil sa naglabasang larawan nila sa mga pahayagan na naka-suot ng unipormeng pang-militar at ang mga ngisi ay kapansin-pansing abot tenga.
Ang batas na isinusulong ng mga ito, na tampok ngayon sa mga pagpapalitan ng kuru-kuro ng mga militar at pulis ay ang House Bill 7304, na naglalayong gawin ang Philippine Marine Corps bilang isang “an armed uniformed service, amphibious in character; distinct, autonomous, but complementary to the Army, the Air Force and the Navy, as an independent branch of service of the AFP.”
Gusto kasi ng mga mambabatas sa Kongreso -- sa pangunguna nina House Speaker Pantaleon Alvarez and Majority Leader Rodolfo Fariñas, kapwa mga reserve Marine officers, at magka-co-author sa naturang house bill – na tuluyan nang ihiwalay ang Philippine Marines sa mother unit nito na Philippine Navy.
Ayon sa batas na ito na isinusulong nina Alvarez at Fariñas – “The Marines’ lack of charter had caused institutional challenges, including but not limited to fiscal and organizational restrictions. The archipelagic nature of the Philippines necessitates the imperative need for an expanded, rapidly deployable amphibious maneuver force primarily mandated to conduct seaborne, sustained onshore, multinational cooperation and engagements for the protection of its 7,641 islands and islets, the communities and the people therein, as well as respond to the needs of a nation prone to natural disasters.”
Ngunit matindi ang pagtutol dito ng karamihan sa mga nakausap kong militar at pulis na may mga mababang ranggo.
Halos lahat kunot-noo at nakasimangot na nagkomento matapos kong basahin sa kanila ang bahaging ito ng House Bill 7304: “Repetition lang yan ng dati ng trabaho ng Marines. Gastos lang yan. Mas madaming dapat na pagkagastusan na pangunahing pangangailangan naming mga operatiba na nasa ibaba ng organisasyon ang ating pamahalaan. Ibili na lamang ninyo kami ng baril at sapatos!”
Malinaw na ang kinakatigan ng karamihan sa nakausap ko ay Department of National Defense (DND) sa pangunguna ni Secretary Delfin Negrillo Lorenzana na hayagan ang naging pagtutol sa panukalang batas na ito nina Alvarez at Fariñas.
Ipinaliwanag ni Lorenzana na malaki ang kaibahan ng Philippine Marines sa mga puwersang pinaggayahan nito, gaya ng sa US Marines at Royal Marines ng UK, na pawang mga “expeditionary forces” o puwersang ginagamit sa pagkubkob at pakikidigma sa malalayong bansa: “In other countries like the US, their Marines, upon which we patterned ours, are utilized for overseas deployment. That is also true with the Royal Marines of the UK. Both units are invasion forces embedded with their navies.”
Ipinagdiinan pa niya na taliwas sa gawaing ito ng mga Marines ng US at UK: “Philippines will not be invading foreign shores - anytime soon or ever!”
“Malaki ang tama rito ni Secretary Lorenzana!” ang todong pagsang-ayon naman ng aking kumpareng radio anchor / commentator na si Rene Sta. Cruz ng Bigtime Balita sa DZBB. Dagdag pa niya: “kapag naisabatas ito, magiging dalawa na ang ground forces ng AFP, na isang malaking dalahin at dagdag pa sa gastusin ng pamahalaan!”
Ang reaksyong ito ng isang Marines ang tumimo sa aking isipan: “Pakisabi sa magagaling nating mambabatas na iparating na lamang sa aming mga nasa ibaba ang pondong talagang para sa amin,” sabay talikod at palayong lumakad nang paika-ika dahil sa tuklap na suwelas ng kanyang service boots!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]