Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
MAGKASAMANG naghapunan sina Pangulong Rodrigo Duterte at Sharon Cuneta sa Malacañang sa kabila ng pagkakaiba ng kampo sa pulitika ng Pangulo at ng asawa ng Megastar na si Senator Francis “Kiko” Pangilinan.
Sa larawan na ibinahagi ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa kanyang Facebook page nitong Martes, nakitang nakangiti si Duterte habang kumakain kasama si Cuneta na una na niyang inilarawan bilang good family friend.
“Dinner with PRRD and Sharon Cuneta. Sarap ng sardinas,” caption ni Go sa kanyang post, ngunit hindi na nito tinukoy kung sino ang iba pang mga kasama nina President at Ate Shawie sa hapunan.
Sa Facebook post, ipinagmalaki ni Sharon ang kanyang karanasan habang kasama ang Pangulo at sinabi pa niyang sabik na siyang ikuwento sa kanyang asawa ang mga napag-usapan sa hapunan, na dinaluhan din ng nakatatanda niyang kapatid na lalaki, si Chet Cuneta. Nag-post din siya ng mga litrato ng pen na natanggap niya bilang regalo ng Pangulo.
“Got home before sunrise then my hubby woke up to start his day. ‘Di pa ko nakakatanggal ng make-up cos I was excitedly making him kuwento about the President and kuya, and our friends and how much fun we had,” sabi Cuneta.
Idinagdag pa ng mang-aawit na masaya si Kiko para sa kanya at sa kapatid niya, at klinaro na ang political differences ng senador at ng Pangulo ay hindi personal. Binanggit din niyang inirerespeto ng dalawang pulitiko ang isa’t isa.
“He’s so chill and happy that Kuya (Chet) and I are happy! ‘Di naman personal ang ‘di nila pagkakasundo sa pulitika,” lahad ni Cuneta.
“(S)abi nga ni Tatay Digong kanina eh - they respect each other even if they disagree on certain things. Well - that’s why it’s nice that we live in a free country. Politics? Temporary,” aniya pa.
Sa Instagram post, pinasalamatan ni Sharon si Duterte dahil napasaya siya at ang kanyang kapatid ng Presidente. Ibinahagi rin niya na malapit na magkaibigan si Duterte at ang kanyang namayapang ama, ang matagal na naging mayor na Pasay City na si Pablo Cuneta.
“Thank you, Mr. President. We pray that God’s hand be upon you so that you may steer our country where He knows it will be best! May God bless you, sir,” sabi niya.
Nitong nakaraang buwan, sinabi ni Duterte na siya ay nagpapasalamat dahil sa rami ng naitulong ng pamilya Cuneta sa kanilang pamilya. Una na rin niyang sinabi na ang kanyang anak, si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, ay avid fan ng singer-actress.
“Ma’am Sharon, thank you for remembering me. I am your good friend. And my daughter, Sara, ay talagang ina-idolize ka hanggang ngayon. And I am happy that she has chosen the right person to make as an inspiration,” sabi Duterte sa video message kay Sharon na ipinost ng megastar sa Instagram.
“For the many things you have done for me, ako naman, I’m grateful. Maraming salamat and may you live for a thousand years,” dagdag pa ng Pangulo.
Una nang sinabi ni Cuneta na mabuti silang magkaibigan ng Pangulo mula pa noong 2012 at wala silang pakialam sa political views ng isa’t isa.
Inilarawan ni Duterte si Pangilinan noon bilang mabuting kaibigan at sinabing utang niya ang pagpayag nitong makasama sa hapunan ni Cuneta ang noon ay bata pang si Sara Duterte, ilang taon na ang nakalilipas.
“Senator Pangilinan is my friend. At may utang na loob ako diyan,” pahayag ni Duterte noong Setyembre ng nakaraang taon.
Gayunman, nakatanggap din ng kritisismo si Pangilinan mula sa Pangulo dahil sa pag-akda at pagpasa ng Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act noong 2006.
“Senator, I owe you for doing it to my daughter. I respect you and I -- This is the thing I would like -- not to do, I hate it. But I have to be honest to the nation,” sabi ni Duterte noong nakaraang taon.
“It is you, the singular person of this country who is responsible for all of this now. I’m referring to the children, because you passed the law,” saad pa ng Pangulo, na ang tinutukoy ay ang Juvenile Justice Law.
Nakasaad sa batas na inakda ni Pangilinan, na ang batang 15 taong gulang pababa, kapag magkasala o lumabag sa batas, ay hindi kabilang sa pagkakaroon ng criminal liability. Ang offender, gayunman, ay sasailalim sa intervention program mula sa gobyerno.