SAN ANTONIO (AP) — Sinamantala ng Spurs, sa pangunguna ni LaMarcus Aldridge na kumana ng 33 puntos at 12 rebounds, ang kawalan ng star players ng Golden State Warriors, 89-75, nitong Lunes (Martes sa Manila).

Ito ang unang pagkakataon sa apat na laro na nagwagi ang Spurs sa Warriors ngayong season. Umabante sila sa No.5 sa Western Conference.

Hindi na nga makapaglaro sa injury sina All-Stars Stephen Curry, Kevin Durant at Klay Thompson, nagtamo rin ng injury si Draymond Green sa second quarter nang aksidenteng masipa ni Danny Green.

Nanguna si Quinn Cook sa Golden State na may 20 puntos, habang kumana sina Kevin Looney at Andre Iguodala ng 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

CAVS 124, BUCKS 117

Sa Cleveland, tumipa si LeBron James ng triple-double -- 40 puntos, 12 rebounds at 10 assists – sa panalo ng Cavaliers kontra Milwaukee Bucks.

Naglaro ang Cavs na wala ang nagbakasyon na si coach Tyronn Lue na may iniindang problema sa kalusugan.

Sa pahayag ni Lue nitong Lunes, madalas siyang makadama ng pananakit ng dibdib at hindi makatulog. Si associate head coach Larry Drew ang tumimon sa Cavs.

Hataw si Giannis Antetokounmpo ng 37 puntos sa Bucks.

PACERS 110, LAKERS 100

Sa Indianapolis, ginapi ng Pacers, sa pangunguna ni Victor Oladipo na kumubra ng 20 puntos, ang Los Angeles Lakers.

Nanguna sa Los Angeles sina Kyle Kuzma na may 27 puntos at Brook Lopez na may 23 puntos.

Sa iba pang laro, pinaluhod ng Detroit Pistons ang Sacramento Kings, 106-90; sinilo ng Brooklyn Nets ang Memphis Grizzlies, 118-115; ginapi ng New York Knicks ang Chicago Bulls, 110- 92; dinaig ng Miami Heat ang Denver Nuggets, 149-141.