Ni Orly L. Barcala

Habang isinusulat ang balitang ito, nag-aagaw buhay ang mag-live-in partner matapos barilin ng nakaalitang kapitbahay sa Malabon City, nitong Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Eric Amor, 26; at Melissa Basalan, 25, kapwa ng Purok 6, Hulong Fernandez, Barangay Catmo ng nasabing lungsod.

Nagsasagawa naman ng manhunt operation ang mga pulis laban sa suspek na si Louie Makiling, 26, kapitbahay ng mga biktima.

Eleksyon

Diwata, nabudol nga ba ng sinalihang party-list?

Sa imbestigasyon ni PO2 Richard Caalaycay, nag-iinuman ang mga biktima, kasama ang ilang kaibigan, sa labas ng kanilang bahay, dakong 2:30 ng madaling araw.

Kinumpronta umano ni Makiling si Amor kaugnay ng umano’y negatibong komento nito sa Facebook account ng kanyang pinsan, hanggang sa nauwi sa pamamaril.

Sinasabing umawat si Basalan sa pagtatalo kaya binaril din siya ng suspek.

Kinasuhan ang suspek ng dalawang bilang ng frustrated murder.