Ni KATE LOUISE B. JAVIER

Isang 8-taong gulang na babae ang sinasabing ginahasa ng sariling tiyuhin matapos dukutin sa loob ng kanyang silid-aralan sa Caloocan City, nitong Lunes ng umaga.

Ang suspek ay isang 29-anyos na construction worker at naharap na sa kasong attempted rape.

Base sa ulat ng pulisya, dinukot muna ng suspek ang pamangkin sa Kasarinlan Elementary School sa Barangay 28, bandang 9:00 ng umaga.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa inisyal na imbestigasyon, dinala ng suspek ang biktima sa loob ng kanyang bahay sa Langaray Street, Bgy. 14, at dito umano hinalay ang bata.

Natanggalan pa umano ng ngipin ang biktima nang takpan ng unan ang bibig nito dahil sa paghingi ng saklolo.

“Nabungi ‘yung bata dahil sa force n’ya. Nagdugo ang bibig. Naihi pa raw ito habang ginagawa ito ng ating suspek,” pahayag ni Caloocan Police chief, Chief Supt. Jemar Modequillo.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang nasabing paratang.

Makalipas ang tatlong oras, natagpuan ng isang residente ang biktima na umiiyak sa tapat ng gasoline station at dinala nito sa Bgy. 28 hall, at dito isinalaysay sa kanyang ina ang krimen.

Inaresto ng mga pulis ang suspek sa Kawal St., Bgy. 28, dakong 7:00 ng gabi.

Samantala, kakasuhan din ang kinakasama ng suspek dahil sa umano’y “cover-up” sa insidente, ayon naman kay PO2 Mary Jane Lukban, hepe ng Women’s and Children Protection Desk.

Ikinatwiran umano ng kinakasama ng suspek na pagdating niya sa bahay ay nadatnan niyang walang damit ang biktima, kaya inutusan niya ang kinakasama na ibalik ang bata sa halip na iulat sa awtoridad.

Samantala, magsasagawa ng imbestigasyon si Lukban laban naman sa guro ng biktima kung may pagkukulang ito sa insidente dahil kinuha ang biktima sa kasagsagan ng klase.

“The teacher did not notice that the suspect came to get the child. She said that she was busy giving papers to her students that time. She then called the girl’s mother and told that the child was missing,” ani PO2 Lukban.

Nakakulong ngayon ang suspek sa pulisya at sasampahan ng kaukulang kaso.