Ni Fer Taboy

Matapos patayin sa sakal ang asawa, nagpasya namang magbigti ng isang mister matapos silang magtalo dahil sa selos sa Candihay, Bohol kamakailan.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Joseph Bayron, ng Candihay Municipal Police, natagpuan ang bangkay ng mag-asawang Victor at Mary Ann Amoguis sa kanilang bahay sa Barangay La Union sa nasabing bayan.

Sa salaysay ni PO2 Ramonito Betaros, trabahador niya si Victor Amoguis na ilang araw na umanong hindi pumapasok.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dahil dito, hiningan na umano ni Betaros ng tulong ang mga kapatid ni Victor ngunit hindi rin nila makontak ang huli kaya nagpasya silang puntahan ang bahay nito, hanggang nadiskubre nila ang krimen.

Nilinaw ng pulisya na isang suicide note ni Victor ang natagpuan sa pinangyarihan ng krimen, na nakasaad na kaya niya pinatay ang misis dahil hindi na niya umano makayanan ang pagtataksil nito.

Ang bangkay ni Mary Ann, 33, ay natagpuan sa sahig habang nakabitin naman sa banyo ang bangkay ni Victor.

Kinumpirma rin sa findings ng medico-legal examinations na pinatay sa sakal ni Victor ang ginang bago siya nagbigti.