Ni Angelli Catan

Sherlock Gnomes

Sa kainitan ng debate sa isinusulong na jeepney modernization program na gustong ipatupad ng gobyerno sa bansa, eksakto namang ipinapaalala sa atin ng poster ng animated film na “Sherlock Gnomes” kung gaano kahalagang simbolo ng Pilipinas ang Pinoy na Pinoy na jeepney.

Tinaguriang “Hari ng Kalsada”, isang icon para sa mga Pilipino ang ating mga jeepney, na matagal nang sumisimbolo sa ating bansa. Sa dinami-dami ng simbolong Pinoy na puwedeng gamitin para sa poster ng “Sherlock Gnome” ay napili ang jeepney dahil sa pagiging makulay nito, na tanging sa ating mga lansangan lamang makikita.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Makikita sa poster ng pelikula na nakasakay sa jeepney ang mga karakter sa pelikula, habang tanaw sa likuran nila ang Chocolate Hills ng Bohol.

Ang animated film ay tungkol sa paghahanap ng mga gnome sa mga kinidnap na garden gnomes sa tulong ng magaling at sikat na detective sa London na si Sherlock Gnome. Maglalakbay sila sa iba’t ibang lugar upang mahanap ang garden gnomes.

May iba’t ibang bersiyon ang poster ng animated film, kung saan tampok naman ang mga gnome sa Australia, Brazil, New York at London.

Ang “Sherlock Gnomes” ay sequel sa animated film din na “Gnomeo and Juliet” na ipinalabas noong 2011.

Nagbabalik sa “Sherlock Gnome” ang mga boses ng British actors na sina James McAvoy, Emily Blunt, Michael Caine, Maggie Smith, Stephen Merchant at Ozzy Osbourne. Bida sa pelikula sina Johnny Depp bilang Sherlock Gnome, Chiwetel Ejiofor bilang Watson, at Mary J. Blige bilang Irene.

Ipapalabas ang “Sherlock Gnomes” dito sa Pilipinas bukas, Marso 21, 2018.