Ni Bert de Guzman
PARA sa ilang mambabatas at kritiko (siyempre pa), isa lang daw panlalansi at “diversionary tactic” ang planong paglalagay sa Witness Protection Program (WPP) ng Dept. of Justice sa umano’y pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles. Sa ngayon, si JLP ay nasa ilalim pa lang ng provisional protection witness program.
Para naman kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, ang pagtanggap kay Napoles sa WPP ay walang epekto sa nakapending na mga kaso niya sa Sandiganbayan.
“Wala itong epekto sa mga kaso na nililitis sa hukuman,” pahayag ng may “balls” na Ombudsman. Si Morales na noon ay Supreme Court Associate Justice, ang naghain ng 12 kaso ng plunder, graft at malversation of public funds laban kay Reyna Napoles.
Para kay Magdalo Rep. Gary Alejano, nais lang daw ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na ma-divert ang atensiyon ng publiko sa kontrobersiyal na pag-abswelto ng DoJ prosecutors sa high-profile drug lords na sina Peter Lim, Kerwin Espinosa, Peter Co at iba pa.
Samakatuwid, naniniwala si Alejano at mga kritiko na ang kapalit sa balak na paglalagay kay JLP sa WPP ay “panlalansi” ni Sec. Vits para maiwasan ang silakbo ng public condemnation sa pag-abswelto sa mga drug lord ng prosecutors, tulad ni Kerwin (umaming drug dealer), Peter Lim (drug lord umano at kumpare ni PRRD), Peter Co (convicted drug lord sa NBP). Aba kung ganoon, palayain na si Sen. De Lima.
Sabi ng mga netizen: “Hayaan si Sec. Vits na magkaroon ng maraming lubid na pambigti sa kanya”, o sa kasabihang English ay “Give him enough ropes to hang himself”. Pero matapang si Sec. Aguirre. Hindi siya magre-resign dahil wala naman siyang sala kaugnay ng drug trafficking cases laban kina Kerwin, Lim, Co atbp. Pero may banta si PRRD: “Ipapalit ko siya sa kulungan kapag nakalaya sila.”
Si Mano Digong ay magiging 73 anyos na sa Marso 28. Pero sa kanyang mga kilos at pananalita, halatang malusog, masigla at dynamic pa rin ang ating Pangulo. Pero malimit niyang sabihin na parang “pinapatay” siya ng bigat ng pananagutan ng panguluhan---sobrang trabaho, biyahe, engagements, official activities araw-araw sa loob at labas ng Malacañang. Happy Birthday Mr. President. Mabuhay Ka!