Ni Alexandria Dennise San Juan

Naghahanda ang gobyerno na magpakalat ng mga pribado at pampublikong bus upang magbigay ng libreng sakay sa mga pasaherong maaapektuhan ng ikakasang tigil-pasada sa Lunes, Marso 19, laban pa rin sa jeepney modernization program ng pamahalaan.

“We have activated the Joint Quick Response Team (JQRT) for Transportation. Twenty private buses will be fielded together with government vehicles in six staging areas,” sabi ni Atty. Aileen Lizada, miyembro ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ito ay makaraang ihayag ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) na magsasagawa ito ng tigil-pasada sa Lunes laban pa rin sa programa sa modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Bukod sa transport strike sa Lunes, magsasagawa rin ang PISTON ng mga protesta sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, kaya naman magkakaloob ng libreng sakay ang LTFRB sa mga maaapektuhang pasahero, at nasa 40 “bus marshall” ng Philippine National Police (PNP) ang itatalaga sa bawat bus.

Libre ang sakay sa mga sasakyan ng gobyerno, habang ang mga pribadong non-airconditioned bus ay sisingil ng P10, at P12 naman sa air-conditioned bus.

Sa kabila nito, muling iginiit ni LTFRB Chairman Martin Delgra III na itutuloy nila ang modernization program ng mga pampublikong sasakyan.