Ni Anthony Giron
IMUS, Cavite - Tinukoy na kahapon ng Provincial Health Office ang siyam na lugar sa Cavite na may dengue outbreak.
Sa report ng Provincial Health Office (PHO) ng Cavite, may outbreak ng dengue sa Trece Martires City, Cavite City, Tanza, Rosario, Noveleta, Naic, Mendez-Nunez, Indang at General Emilio Aguinaldo.
Kinumpirma naman ng pamahalaang panglalawigan ang naturang report matapos maglabas ng ulat ang PHO at ang Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) kaugnay ng dengue situation sa lugar.
Ipinaliwanag din ng PESU na nakapagtala sila ng limang kaso ng nasawi at 1,499 na kaso ng dengue simula noong Enero 1 hanggang ngayong Marso.