Sinigurado sa publiko ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na may masasandalang gobyerno ang taumbayan sa gitna ng sigalot at tumataas na tensyon dulot ng giyera sa Middle East.
Ayon sa naging ambush interview ng media sa Pangulo, sa naging pagdalo niya sa distribusyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng subsidiya sa Metro Manila nitong Martes, Marso 17, 2026, tiniyak niyang maaasahan daw ng taumbayan na nariyan ang gobyerno upang matulungan ang mga ito.
KAUGNAY NA BALITA: ₱5k subsidy, ipamamahagi sa mga apektadong sektor ng pagtaas ng presyo ng krudo
“Nandito tayo, nandito ang government, nandito ang gobyerno, nandito ang pamahalaan,” pagsisimula niya.
Anang Pangulo, talaga raw na binabantayan ng gobyerno ang mga nangyayari sa Middle East upang matukoy nila ang mga posibleng aksyon sa magiging epekto sa Pilipinas ng naturang sigalot.
“Talagang binabantayan natin kung ano ang mga bagong pangyayari [at] kung ano pa ang darating,” diin niya.
Ani PBBM, layunin daw nilang masiguradong tuloy-tuloy na makakapag-hanapbuhay ang taumbayan at makakapasok ang mga commuter sa kanilang trabaho.
“Para naman matiyak na matuloy na makakapag-hanapbuhay ang ating mga kababayan at patuloy na makapasok sa trabaho ang ating mga commuter,” aniya.
Dagdag pa ni PBBM, asahan umano ng publiko na handang umalalay ang pamahalaan sa mga sektor na lubhang naaapektuhan ng giyera, partikular sa pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo.
“Patuloy lang at hindi naman masyado magiging problema itong nangyari nga sa… ‘yong giyera sa Middle East,” giit niya.
“Asahan po ninyo na kami po ay nakabantay at mag-aalalay sa lahat ng ating mga kababayan,” pagtatapos pa ng Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: 30 payout sites ng ₱5k fuel subsidy para sa NCR-based tricycle drivers