Ni Jun Fabon

Nasa 22 drug suspect ang nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa buy-bust operation sa lungsod, nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni Chief Insp. Ferdinand Mendoza, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU), ang mga unang inaresto na sina Juanito Constantino, 54, ng Barangay Baesa; Joemar Dubria, 41, ng Caloocan City; Jerry Bares, 32, ng Bgy. Bagbag, Novaliches; at isang 15-anyos na babae.

Sa ulat ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar, QCPD director, naaresto sa buy–bust operation ang sinasabing mga tulak at user sa No. 40A PUC Road, Bgy. Baesa, dakong 11:00 ng gabi.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nasamsam sa mga suspek ang 10 pakete ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P75,000; drug paraphernalia; at buy-bust money.

Inaresto naman sina Jonkerch Cullera, 27; Romeo Maldo, 25; Juanito Constantino, nasa hustong gulang; at tatlong menor de edad matapos makuhanan ng 13 pakete ng umano’y shabu sa panulukan ng Roads 23 at 12 Extension, Bgy. Bahay-Toro, Project 8, dakong 5:00 ng madaling araw kahapon.

Nalambat din ng Fairview Police Station (PS-5), sa ilalim ni Supt. Benjamin Gabriel, Jr., sina John Paul Del Castillo, 27; Marlon Viola, 39, kapwa ng Caloocan City; at Dennis Maigue, 38, ng Bgy. Pasong Putik, dakong 11:00 ng gabi. Sila ay nakuhanan ng limang pakete ng umano’y shabu at buy-bust money.

Inaresto naman ng Cubao Police Station (PS-&) sina Melvin John Longabela, 22, kabilang sa drugs watch list ng pulisya; at Bobby Rubio, 27, ng Bgy. Purok Silangan, West Point, kanto ng Aurora Boulevard, dakong 12:50 ng madaling araw.

Sa selda rin ang bagsak nina Efren Concepcion, 40; at Alexander Bonoan, 41, kapwa ng Bgy. San Martin de Porres.

Sila ay inaresto sa Oplan Galugad sa Diaz St., Bgy. San Martin De Porres habang apat na iba pang suspek ang nalambat sa P. Tuazon Blvd., Bgy. Tagumpay, Project 4, makaraang makumpiskahan ng limang pakete ng umano’y shabu at buy-bust money.

Dinampot din ng Anonas Police Station (PS-9) ang apat na drug suspect sa Bgy. Loyola Heights, at isa pang tulak ang dinakip ng Galas Police Station (PS-11) sa Bgy. San Isidro nang makuhanan ng mga pinatuyong marijuana sa Bgy. San Isidro, Quezon City.

Nakapiit ang mga suspek sa QCPD at nakatakdang sampahan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165.

Dinala naman sa QC Social Services Welfare Department ang mga menor de edad.