Ni Mary Ann Santiago

Nagkasa ng panibagong tigil-pasada ang grupong Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) sa Lunes, Marso 19.

Ayon kay PISTON National President George San Mateo, layunin ng naturang tigil-pasada na ipakita ang mahigpit nilang pagtutol sa jeepney modernization program na ipinaiiral ng gobyerno.

Magiging sentro, aniya, ng kanilang tigil-pasada sa Metro Manila ang Novalices at Cubao sa Quezon City, Monumento sa Caloocan City, Anda Circle sa Maynila, at Alabang sa Muntinlupa City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Magsasagawa rin sila ng protesta sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna at Rizal.

Iginigiit ni San Mateo na sa ilalim ng tinututulan nilang programa, walang pagpipilian ang mga jeepney driver at operator kundi bumili ng mga bagong unit ng jeepney na papabor sa requirements ng gobyerno.

Aniya pa, kulang ang P3 bilyon na inilaang pondo ng pamahalaan para sa modernisasyon.

Nanindigan pa ang grupo na magpapatuloy ang kanilang protesta, anuman ang sabihin ng gobyerno.