HINDI magkaundagaga sa pagkumpuni sa mga bisikleta ang mga babaeng mechanics para maihanda sa ratratang laban ngayon, habang nakatuon ang pansin sa ikikilos ni Oranza (kaliwa) na siyang magpapatibay sa kampanya na kampeonato ng 2018 LBC Ronda Pilipinas. (CAMILLE ANTE)

HINDI magkaundagaga sa pagkumpuni sa mga bisikleta ang mga babaeng mechanics para maihanda sa ratratang laban ngayon, habang nakatuon ang pansin sa ikikilos ni Oranza (kaliwa) na siyang magpapatibay sa kampanya na kampeonato ng 2018 LBC Ronda Pilipinas. (CAMILLE ANTE)

Oranza at Team Navy, masusubok sa akyatin ng Batangas

SILANG, Cavite — Apat na stage. Apat na araw. At apat na karibal na lamang ang may malaking tsansa para maagaw kay Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance ang minimithing pedestal.

Sa pagbabalik ng aksiyon ngayon sa 2018 LBC Ronda Pilipinas, tatahakin ng mga pamosong siklista ang mapaghamong 217.2-kilometer Stage Nine na magsisimula sa Silang Municipal Hall at matatapos sa Tagaytay Convention Center.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakapagpahinga ng tatlong araw ang mga tinaguriang ‘Road Warriors’ at kabilang si Oranza sa nagmuni-muni para sa gagawing diskarte sa akyating bahagi ng ruta kabilang ang Kaybiang Tunnel at palusong na kalsada sa Leynes sa Talisay, Batangas.

Walang puwang ang pagkakamali, higit kay Oranza, na tangan lamang ang pitong minutong bentahe sa nakabuntot at kasanggang si reigning back-to-back champion Jan Paul Morales, hawak ang kabuuang 21 oras, 1 minuto at 56 segundo.

“Kailangan kong maging maingat pero masigasig tayo dahil hindi naman kalakihan ang bentahe natin.

Maramingposibleng mangyari, kaya kailangang makipagsabayan ng husto,” pahayag ni Oranza, pambatong anak ng Villasis, Pangasinan.

Nasa ikalawang puwesto si Morales – naghahangad ng kasaysayan bilang unang rider na magwawagi ng ‘three-peat’ – tangan ang oras na 21:08:51.

Ngunit, tila wala siyang plano na agawin pa ang pagkakataon kay Oranza.

“Kung hindi rin naman uubra pa na manalo ako ngayon suportahan ko na lang si Oranza, at least Team Navy pa rin galing ang kampen,” pahayag ng 32-anyos na si Morales.

Tumataginting na P1 milyon ang naghihintay para sa overall individual champion.

Nakabantay din si Jay Lampawog ng Go for Gold Developmental team (21:19:31), gayundin si Philippine Army-Bicycology Shop Pfc. Cris Joven (21:20:02). Kumpiyansa si Joven na muling makakasingit sa laban. Nakamit ni Joven ang Stage Three – ang pinakamahabang ruta sa buong 12-stage race.

“Kaya pa kung kaya,” sambit ni Joven. “Delikado ang ruta, pag di ka maingat salto ang kampanya mo. Maraming puwedeng mangyari after this stage,” sambit ni Joven.

Kabilang naman sa Top 10 sina Navy’s John Mark Camingao (21:20:24), Go for Gold’s George Oconer (21:20:51), Go for Gold Developmental team’s Ronnel Hualda (21:21:29), Navy’s Rudy Roque (21:21:42), CCN Superteam’s Irish Valenzuela (21:22:04) at Navy’s Junrey Navara (21:22:08).

Sunod na pahirap ang 147.8km Tagaytay-Calaca Stage 10 bukas, gayundin ang 92.72km Calaca-Calaca Stage 11 sa Sabado sa pamosong cycling marathon na itinataguyod ng LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Filinvest, Philippine Rabbit, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.

Kung hindi magbabago ang layo ni Oranza sa mga karibal, magiging pormalidad na lamang ang Stage 12 criterium sa Filinvest, Alabang sa Linggo.

Sa team overall classification, nangunguna rina ng Navymen sa kabuuang oras na 82:19:52, may 32.32 minuto ang bentahe sa Go for Gold Developmental team (82:52:24). Nasa pangatlo ang Army-Bicycology Shop (83:10:47).