Ni Danny J. Estacio

Bumulusok sa may 40-metro ang lalim na bangin ang isang pampasaherong bus makaraang makasalpukan ang isang trailer truck, na ikinasawi ng dalawang tao habang 15 ang nasugatan, sa Barangay Sta. Catalina, Atimonan, Quezon nitong Martes ng gabi.

Kinilala ni Senior Supt. Rhoderick Armamento, Quezon Police Provincial Office director, ang mga nasawi na sina Juan Manuel Viñas Bron III, 28, driver/conductor at taga-Naga City, Albay; at Lorenzo S. Lesano, 52, pasahero ng bus, at taga-Bgy. Pulang Lupa, Las Piñas City.

Kabilang naman sa mga nasugatan sina Joebert Clorado Cereno, 44, tauhan ng Philippine Army, at taga-Bgy. San Francisco, Balatan Camarines Sur; at ang tatlong taong gulang na si Matteo Jarque, ng Bgy. Cagmanaba, Oas, Albay.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ayon kay Senior Supt. Armamento, bandang 9:15 ng gabi nang mabunggo ng trailer truck (NUB-922) na minamaneho ni Flacielito Agustin Abalos, ang Philtranco Bus (ABG-8689) na minamaneho ni Bron, kaya nawalan ng kontrol ang bus at dumiretso sa bangin.

Nawalan din ng kontrol ang truck at sumalpok ang kumalas nitong trailer sa 10-wheeler truck (THS-946) na minamaneho ni Paulino O. Pataytay, 48, ng Sitio Libis, Bgy. Tanauan, Plaridel, Quezon, hanggang bumalandra ito sa isang puno ng niyog.