Ni Angelli Catan

BATARISAN_Poster2

Kilala ang Bulacan sa larangan ng kasaysayan, kultura at sining. Ngayon ay isang bagong proyekto ang uusbong sa lalawigan, sa pangunguna ng mga piling estudyante mula sa Bulacan State University-College of Arts and Letters (BulSU-CAL), ang Batarisan Awards.

Ang Batarisan Awards ay ang kauna-unahang university-based award-giving body sa Bulacan na magbibigay karangalan sa iba’t ibang programa at personalidad sa telebisyon, musika, radyo at pelikula.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ang salitang Batarisan ay lumang wikang Filipino na ginagamit sa Bulacan. “Ang kahulugan nito ay sama-samang pagsisikap o bayanihan na isa sa mga nananatiling buhay na kultura sa ating bansa. Walang inaasahang kapalit ang sinumang buong puso na nakikipagtulungan para sa tagumpay ng bawat isa,” ayon sa BulSU-CAL.

Kilala bilang “Lupain ng mga Bayani” ang Bulacan kaya isa sa layunin ng Batarisan Awards ay bigyang-buhay at parangal ang mga natatanging bayani ng probinsiya, tulad nina Marcelo H. Del Pilar, Francisco Balagtas, at Gregorio del Pilar. Gagawin nila ito “sa pamamagitan ng pagkilala sa mga personalidad at programa na may likas na katangian sa kani-kanilang larangan,” paliwanag ng unibersidad.

Ang proyektong ito ay nagsimula sa research ng mga estudyante ng Mass Communications noong nakaraang taon, ngunit naging limitado lamang sa telebisyon.

Sa umpisa ay may sampung nominado sa bawat kategorya na pinagpilian pa ng mga organisasyon sa unibersidad para makumpleto ang Top 5. Sinala naman ng mga propesor ang limang nominado at ang nakakuha ng pinakamataas na grado ang mga napili para sa Top 3.

Ang pagpili ng mananalo at makakatanggap ng tropeo ay pagdedesisyunan ng 30,000 respondents na estudyante ng Bulacan State University.

Magkakaroon din ng mini-performance concert sa awards night, kung saan magpapakita ng mayamang kultura ng mga Pilipino na manggagaling sa cultural performers ng unibersidad.

Ang Batarisan Awards ay gaganapin ngayong Marso 11 sa Valencia Hall, Bulacan State University.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang kanilang Facebook page: facebook.com/batarisanawards.