Ni Genalyn D. Kabiling

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tropa ng gobyerno na magkaroon ng “control” at limitahan ang bilang ng kanilang mga anak sa dalawa o tatlo.

Nagpanukala ang Pangulo ng maliit na pamilya sa bawat sundalo at pulis upang maging komportable ang kanilang pamumuhay sa mga bagong bahay na ipinatayo para sa kanila ng gobyerno.

“That was the universal complaint when I became a President na ‘yung ibinigay na mga bahay ninyo maliliit kaya nga ‘yung iba nadi-discourage so I thought that I’d make it bigger this time,” sinabi ni Duterte sa groundbreaking ng bagong housing project para sa mga sundalo at pulis sa Tarlac nitong Miyerkules.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“So maluwang na ‘yan for a family of three, four. ‘Wag lang masyado kayong manganak. Dalawa, tatlo, tama na ‘yan,” aniya.

Inamin ni Duterte na nababahala siya sa mga tropa at kanilang malalaking pamilya sa tuwing sasabak ang mga ito sa operasyon. Binanggit niya na nang malaman niya na ang ilang sundalo o pulis ay mayroong mahigit anim na anak, hinikayat niya ang mga ito na maghanap ng ibang trabaho upang mas maalagaan nila ang kanilang pamilya.

“Control-control kayo,” sinabi ng Pangulo sa uniformed personnel tungkol sa pagpaplano ng kanilang mga pamilya.

“You know space your children by three or four would be good. Two, may lalaki ka pati babae na,” aniya.