MADRID (AFP) – Minarkahan ng Spain ang International Women’s Day nitong Huwebes sa pinakamalaking strike para depensahan ang kanilang mga karapatan na nagbunga ng pagkansela ng daan-daang tren at malawakang protesta sa Madrid at Barcelona.
Ipinatawag ng 10 unyon para humiling gender equality, lalo na sa mga suweldo, naging laman ng mga balita ang 24-hour strike at kapansin-panasin na lumiban ang sikat na female presenters sa radio o television shows.
Daan-daan libong katao ang nagmartsa sa Barcelona at Madrid at sumigaw ng ‘’Justice!’’ at ‘’Revolution’’. Sa ibang lungsod, nagsabit ng apron ang kababaihan sa kanilang mga balkonahe at tumangging gumawa ng mga trabahong bahay.
Nanawagan din ang feminist groups sa kababaihan na huwag gastusin ang kanilang pera.
Hindi sumali sa strike ang dalawang malaking unyon sa Spain – ang CCOO at UGT – ngunit hiniling sa kanilang mga miyembro na tumigil sa trabaho ng dalawang oras nitong Huwebes. Tinatayang 5.9 milyong lalaki at babae ang sumali sa short stoppage.