Ni FER TABOY

Dinakma ng mga tauhan ng Counter-Intelligence Task Force (CITF) ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ng gabi, ang isang opisyal ng Highway Patrol Group (HPG) sa Iligan City at tatlo nitong tauhan kaugnay ng talamak umanong pangongotong ng mga ito sa mga motorista sa siyudad.

Kinilala ni Senior Supt. Chiquito Malayo, hepe ng PNP-CITF, ang mga suspek na sina Senior Insp. Rolando Rigat, hepe ng Iligan City Highway Patrol Team; at SPO2 Crisanto Bernardo.

Kasama rin sa inaresto ang dalawang civilian auxiliary ng HPG na sina Mac Harvey Abad at Sidney Cañete, na kapwa umano nagsisilbing bagman ni Rigat.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“The operation stemmed from complaints about extortion activities traversing Macapagal Highway in Iligan City. The complaint was lodged in the Office of the President through its hotline 8888,” paglilinaw ni Malayo.

Ayon kay Malayo, naglatag ng entrapment operation ang CITF dakong 6:00 ng gabi na nagresulta sa pagkakadakip ng apat. Kumagat, aniya, ang mga suspek sa ipinain nilang P3,000 marked money mula sa isang driver ng hinuli ng umano dahil umano sa paglabag sa batas-trapiko.

Nabawi ng arresting team ang nasabing pera sa loob ng comfort room ni Rigat, nang itapon umano ito ng huli roon.

Nasamsam din umano ng pulisya ang P5,000 cash sa loob ng drawer ni Rigat, na pinaniniwalaang galing umano sa pangongotong.