Muling sasabak sa Japan si one-time world title challenger Jeffrey Galero laban sa Hapones na si Naoya Haruguchi sa Linggo (Marso 11) sa Orocity Hall, Kagoshima sa nasabing bansa.
Hindi pa nananalo si Galero sa kanyang tatlong laban sa ibayong dagat na nagsimula nang hamunin niya si WBC minimumweight champion Chayaphon Moonsri noong Pebrero 5, 2015 sa Nakhon Sawan, Thailand na natalo siya sa 12-round unanimous decision.
Sa unang laban sa Japan noong Agosto 21, 2016, natalo siya sa 10-round unanimous decision kay Seita Ogido sa Prefectural Budokan sa Naha at sumunod na natalo via stoppage kay OPBF minimumweight champion at walang talong si Tsubasa Koura noong Disyembre 19, 2016 sa Korakuen Hall sa Tokyo.
Matapos manalo ng dalawang sunod sa Pilipinas noong 2017, umaasa si Galero na iiskor na ng pagwawagi sa abroad dahil gusto niyang makabalik sa world rankings.
May rekord si Galero na 16 panalo, 3 talo na may 8 pagwawagi sa knockouts samantalang si Haruguchi ay may kartadang 14-8-0 na may 6 panalo sa knockouts. (Gilbert Espeña)