Ni Hans Amancio

Patay ang isang estudyante nang pagsasaksakin ng magkapatid na nag-ugat sa matinding pagtatalo sa Maynila, nitong Miyerkules.

Kinilala ni PO1 Jason Ibasco, may hawak sa kaso, ang mga suspek na sina Eifel de Guzman, 19, Grade 12 student at ang kanyang 15-anyos na kapatid na si “Mike”.

Base sa mga ulat, nakikipag-inuman ang biktimang si Daniel Hernandez, 19, ng San Jose Rodriguez, Rizal, sa kanyang mga kaibigan sa “Lakay Billiards” na matatagpuan sa Paredes Street, Sampaloc, Maynila, nang dumating ang mga suspek at nakiinom sa biktima at mga kaibigan nito, dakong 2:34 ng madaling araw noong Marso 7.

Eleksyon

COC Filing Day 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

Napansin umano ni Hernandez na pinag-uusapan siya ng mga suspek at tinitingnan siya nang masama, kaya sinabi niya ito sa kanyang mga kaibigan. Maya-maya pa ay umalis na ang mga suspek sa bar, ngunit sinundan sila ng biktima upang maresolba ang anumang ‘di pagkakaintindihan.

Sa isang pahayag, sinabi ng saksing si Mark Angelo Laza, 23, ng No. 664 Carola St., Sampaloc, Maynila, na si Hernandez at ang mga suspek ay nagtalo, kaya bumunot ng patalim si Mike at sinaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay sa kanilang sasakyan, Toyota Vios (AAO 8021), at humarurot patungong P. Noval Street.

Isinugod naman ang biktima sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center ngunit huli na ang lahat.

Narekober ng awtoridad ang sasakyan ng mga suspek na kanilang inabandona sa Legarda St. at kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation.