MAAGANG nagparamdam ang defending seniors champion Arellano University ng kahandaan nilang idipensa ang titulo matapos magwagi ng isang gold at isang silver sa unang araw ng NCAA Season 93 Track and Field Championships kahapon sa Philsports track and football field sa Pasig.

Unang nagbigay ng gold medal para sa Chiefs si Aristeo de la Peña sa seniors long jump makaraang makatalon sa layong 7.00 meters.

Pumangalawa sa kanya si Ronald Canaria ng San Sebastian College na nakatalon sa layong 6.90 meters habang pumangatlo naman si Angelo Esguerra ng Mapua University na nagtala naman ng 6.80 meters.

Nagwagi naman ng silver medal para sa Arellano si Jessie Boy Bayan na pumangalawa sa seniors pole vault matapos makatalon sa taas na 3.80 meters kasunod ng gold medal winner na si Harvey Unico ng Letran na nakatalon sa taas ng baras na 4.00 meters. Pumangatlo naman ang atleta ng Mapua na si Christian Dave Geraldino na nakatalon sa taas na 3.40 meters.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Sa juniors division, maaga namang nagbanta ang San Beda College sa defending champion Emilio Aguinaldo College gayundin ang University of Perpetual matapos kapwa magtala ng 1-2 finish sa discuss throw at long jump, ayon sa pagkakasunod.

Nagwagi ng gold at silver sa long jump sina Junior Altas Warren Villaroso at Janseengin Mantecina habang nag -uwi naman ng gold at silver sa discuss throw sina Red Cubs John Rafael Lamatan Gideon Arellano.

Nauna rito, pinasinayaan ni Philippine Athletics Track and Field Association president Phiip Ella Juico ang simpleng opening rites ng kompetisyon na pinangungunahan ng host Perpetual sa pamumuno ni Management Committee member Frank Gusi.

Nagkaroon ng pagkaantala sa mga events na nakatakda noong dakong hapon dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan.

(Marivic Awitan)