Ni Dave M. Veridiano, E.E.
KUNG nakamamatay lamang ang pagmumura at pagtuligsa, marahil ay pinaglalamayan na ngayon ang mga operatiba ng Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nambugbog ng isang buko vendor, sa Pasay City noong nakaraang Biyernes.
Ilang oras lamang kasi matapos na mai-post sa social media account ng isang netizen, na nasa lugar habang nagaganap ang “bugbugan blues” ay umani agad ito ng mga pagmumura, maaanghang na salita at pagkutya na lumatay sa buong organisasyon ng MMDA – dahilan para agad na umaksiyon ang pamunuan ng kontrobersyal na ahensiya at dagling sinuspinde ang tatlong nambugbog na operatiba nila.
Katunayan, isa ako sa libu-libong nakapagmura matapos mapanood ang video nang pambubugbog ng tatlong operatiba ng SCOG, sa walang kalaban-labang magbubuko na si Romnick Relos – na ang tanging naging kasalanan ay ang pagtitinda niya sa ilalim ng Evangelista Footbridge na mahigpit namang ipinagbabawal ng MMDA.
Alam ko kasi ang nararamdaman ng isang vendor na inaaresto, itinataboy at kinukumpiskahan ng paninda ng mga awtoridad, dahil naranasan ko ito noong ako ay nasa elementarya pa lamang at nagtitinda ng mga laruan sa paligid ng Blumentritt Market sa Sta Cruz, Maynila. Kapag nagkahulihan at nagkatabuyan, ang agad na namamayani sa damdamin ng vendor, ay wala siyang kikitain sa araw na iyon, malulugi at walang maiuuwing pera sa pamilya. Ang pinakamalala pa rito – kung inutang lang sa Bumbay na 5 / 6 ang puhunan, purnada ang capital at may utang pa rin!
Mas matindi ang stress sa vendor na may kariton. Kulang ang P5,000 para makagawa ng kariton – ang apat na gulong lang kasi nito ay P3,000 ang halaga, eh ‘yung paninda pa? Ang sumbong sa akin ng ilang nabatakan -- na pinagkakakitaan ng ilang tiwaling operatiba ng MMDA at vendor squad ng presinto, ang mga kumpiskadong kariton. Sunugin man daw kasi ng mga ito ang kahoy ng kariton, yung apat na gulong pwede pang maitabi at maibenta!
Aminado ang mga taga-MMDA na bagaman lumabag si Relos sa kanilang kautusan - pagtitinda sa mataong bangketa at kalsada -- ay mali pa rin ang paraan nang pagpapaalis ng mga tauhan ng SCOG sa kaniya. “Hindi ko binibigyan ng katuwiran dito iyong action ng tao namin,” ani MMDA officer-in-charge General Manager Jojo Garcia.
Anang MMDA, ‘di naman sila nagkukulang sa paalala sa mga vendor na bawal ang pagtitinda sa kalsada dahil sagabal ito sa trapiko: “Kung lahat ng naghahanapbuhay pagbibigyan natin, ano na ang mangyayari sa mga lansangan natin?” ani Garcia.
Ang maanghang na reaksyon ng ilang netizen: “Kapag hindi pinarusahan ng MMDA ang mga yan, maraming tao ang magagalit sa MMDA. Hindi makatao ang ginawa nila lalo yung isa diyan sa likuran na nanuntok. Hoy demonyo ka ba?”
Ito pa ang isa: “Mga walanghiya ‘yang mga tauhan n’yo. Mahiya naman kayo! Kapwa n’yo Filipino ‘yan tao na naghanap buhay. Pwede naman sabihan na bawal or lumipat ng ibang lugar or pwesto. Mga gago kayo. Kayo ang mga Asong ulol!”
Pinag-aaralan na ngayon ng pamunuan ng MMDA ang nakuha nilang video footage sa CCTV ng barangay: “May version din kasi ‘yung mga personnel from sidewalk clearing operations group na ‘yung buko vendor ay may hawak na yelo, tinatakot silang babatuhin, napapalibutan din sila ng mga vendors, and at the same time, masyado na ring arogante and violent ‘yung nasabing buko vendor. The reason kung bakit uminit ‘yung sitwasyon, nagkaroon ng komosyon du’n sa area,” paliwanang naman sa media ng tagapagsalita ng MMDA na si Celine Pialago.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]