Ni Angelli Catan

Muli na namang nagwagi ng Oscar Award ang Fil-Am composer na si Robert Lopez at ang kanyang asawa na si Kristen Anderson-Lopez para sa kantang “Remember Me” mula sa animated film na “Coco”. Itinanghal itong Best Original Song sa kakatapos na 90th Academy Awards.

Ang pinakaunang Oscar ng mag-asawa ay noong 2014 para sa awiting “Let It Go” ng animated film na “Frozen”.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

May lahing Pilipino si Robert kaya naman agad bumuhos ang suporta ng mga Pinoy nang muling manalo ng prestihiyosong Oscars ang isa nilang kababayan. Bukod kay Robert, isa ring Pinoy ang kasama sa mga bumuo ng award-winning animated film na “Coco”, si Virginia "Gini" Cruz Santos.

Si Gini Santos ang supervising animator ng pelikula at 20 taon na siya sa Pixar. Siya ang unang Pilipino at unang babae na nakakuha ng nasabing posisyon. Kabilang din siya sa mga bumuo sa mga pelikulang “Toy Story 2”, “Finding Nemo”, “A Bug’s Life,” “Monsters Inc.,” “The Incredibles,” “Ratatouille,” at “Up.”

Bago dumating ang pelikulang “Coco” ay lumikha din ng ingay ang animated film na “Inside Out” noong 2015. Ang co-director ng pelikulang ito ay isa ring Fil-Am, si Ronaldo “Ronnie” Del Carmen.

Si Ronnie ay isang story artist at designer at isa siya sa bumuo ng kuwento para sa “Inside Out”. Kasama rin siya sa pagbuo ng animated film na “Up.” Hindi lang siya ang nag-iisang Pinoy sa Pixar, sa katunayan ay may grupo sila sa kumpanya, ang “Pixnoys.”

Miyembro rin ng Pixnoys si Nelson Bohol, na nagdisenyo ng lugar na Radiator Springs para sa pelikulang “Cars.” Naging parte rin siya ng “Inside Out”, “Monsters University”, “Brave”, “WALL-E, Ratatouille”, at “Finding Nemo.

Marami pang Pinoy ang parte ng Pixar at Disney at iba pang film company sa Amerika, at lahat sila’y tunay na maipagmamalaki natin dahil sa kanilang pagsusumikap at pagtupad sa kanilang mga pangarap.