Ni Marivic Awitan, kuha ni RIO DELUVIO
Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
4:30 n.h. -- San Miguel vs TNT Katropa
7:00 n.g. -- Magnolia vs Globalport
MAKAMIT ang unang dalawang semifinals berth ang tatangkaing ng top two teams San Miguel Beer at Magnolia sa magkahiwalay na laro ngayon sa pagpapatuloy ng 2018 PBA Philippine Cup quarterfinals sa MOA Arena sa Pasay City.
Makakatunggali ng elimination topnotcher at defending champion Beermen ang sumaltang pangwalong koponan na TNT Katropa sa unang laban ganap na 4:30 ng hapon habang makakatapat namän ng second seed Hotshots ang No. 7 team Globalport ganap na ika-7:00 ng gabi.
Isang panalo lamang ang kailangan kapwa ng Hotshots at ng Beermen kontra sa kani-kanilang katunggali dahil sa bitbit na insentibong twice-to-beat matapos pumuwestong top 2 sa eliminations.
Kumpleto na ang roster sa pagbabalik mula sa injury ni Alex Cabagnot, kumpiyansa ang Beermen na mabibigyan ng magandang laban ang Katropa na galing naman sa ikalawang knockout match kontra Phoenix upang makahabol sa playoff round.
Naniniwala ang TNT na bagama’t nasa dehado silang sitwasyon ay may malaki pa rin silang pag-asa sa laban.
“I think may chance naman kami kasi lagi namin silang nakakalaban sa semis,” pahayag ng beteranong playmaker ng Katropa na si Jayson Castro.“So kailangan lang namin ma-execute yung offense namin kasi defensively maganda naman yung rotation namin.”
Sa tampok na laro, umaasa naman ang Batang Pier na mabibigyan din ng matinding laban ang tinaguriang Manok ng Bayan sa pagbabalik ng kanilang ace guard at topgun na si Terrence Romeo.
Para sa Magnolia, paplanuhin nilang mabuti ang execution ng kanilang depensa na itinuturing nilang susi kung bakit sila umabot sa kasalukuyang estado.