Ni MARTIN SADONGDONG
Nasa Metro Manila na at sa iba pang bahagi ng bansa ang mga teroristang nakatakas sa mga operasyon ng militar at pulisya sa Mindanao upang magsipagtago sa kanilang mga kaanak, iniulat kahapon ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang tahasang ibinunyag ni PNP chief, Director General Ronald dela Rosa matapos niyang iprisinta sa media si Abdul Nasser Lomondot, alyas “Mohhamad”, 41, ng Sitio Pansor, Barangay Mamaanon ng Piagapo, Lanao del Sur, na sinasabing sub-leader ng Maute Group.
Nadakip si Lomondot ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at military intelligence agents sa Claro M. Recto sa Divisoria sa Manila nitong Sabado.
Kasamang naaresto ang asawa ni Lomondot na si Raisalam, 33, subalit hiniling nitong madala sa Ospital ng Maynila matapos ireklamo ang pananakit ng kanyang tiyan kahapon.
“Our initial investigation showed that they have been here in Manila not to create havoc but to seek refuge because they were pinned between the [military operations] in Mindanao. The on-going martial law forced them to escape and go here to Metro Manila to lie low,” ani Dela Rosa.
Ayon sa MPD, sangkot umano si Lomondot sa mga pagpatay sa mga inosenteng Kristiyano at sinasabing naghasik ng karahasan sa kababaihan at batang bihag sa kasagsagan ng pagkubkob sa Marawi City noong Mayo hanggang Oktubre 2017.
Inihayag ni Dela Rosa na nagsanay umano si Lomondot sa kampo ng lokal na ISIS sa Butig, Lanao del Sur, na itinuturong responsable sa pag-atake sa isang Civilian Active Auxiliary (CAA) detachment sa Bgy. Mantapoli sa Marantao, Lanao del Sur sa gitna ng Marawi siege.
Aniya, tinangka ni Lomondot na i-detonate ang isang granada mula sa kanyang bag sa kasagsagan ng pag-aresto subalit maagap siyang napigilan ng mga pulis.
“Her wife, Raisalam, created a commotion to prevent the arrest and was found in possession of a handgun in her purse,” dugtong nito.
Ayon pa sa PNP chief, isinailalim nitong Linggo sa inquest proceedings ang mag-asawang Lomondot sa Manila Prosecutor’s Office para sa kasong illegal possession of firearms and explosives.
Matatandaang mahigit dalawang linggo na ang nakaraan nang madakip sa Manila ang Egyptian na si Fehmi Lassqued, umano’y ISIS leader-recruiter.
Batay kay MPD director, Chief Supt. Joel Coronel, bumiyahe by land ang mag-asawang Lomondot patungong Maynila at dumating nitong Enero.
Isinailalim sa mahigpit na monitoring ang mag-asawa sa Divisoria sa Tondo, nitong Pebrero 20-28, maging sa CM Recto at Dagupan Street, kung saan pinaniniwalaang nakitira sa kanilang mga kamag-anak ang mag-asawa nitong Marso 1-3.
Samantala binalaan ni Dela Rosa ang publiko, lalo na ang mga kamag-anak ng mga terorista na nagkakanlong sa mga ito, na ang pagbibigay ng matutuluyan sa mga terorista ay katumbas ng kriminal na gawain at may karampatang parusa, ayon sa batas.