Ni Marivic Awitan

TINAPOS ng National University ang first round sa impresibong panalo upang makasalo sa liderato ng men’s division kahapon sa UAAP Season 80 volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Ginapi ng Bulldogs ang University of the Philippines Fighting Maroons, 25-22, 23-25, 25-19, 25-23 upang makamit ang ika-anim nilang panalo sa loob ng pitong laro upang makatabla sa pamumuno sa Far Eastern University at defenders champion Ateneo de Manila.

Nagtala ng 19-puntos si Bryan Bagunas, 18 galing sa attack points habang sumunod si James Natividad na may 17-puntos upang pamunuan ang nasabing panalo ng Bulldogs.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Dahil sa kabiguan, naisara ng Maroons na pinamunuan nina Wendell Miguel at Mark Millete na may tig-17 puntos sa markang 2-5.

Nauna rito, natapos ng Adamson ang first round sa pamamagitan ng 25-16, 25-18, 25-12 dominasyon sa University of the East.

Nagposte ng game high 20-puntos si Paolo Pablico upang pamunuan ang panalo ng Falcons na nagtabla sa kanila sa ika-4 na puwesto kasalo ng UP kasunod ng pumapangatlong De La Salle at University of Santo Tomas na kapwa may patas na 3-3.

Bunga ng kabiguan, nanatiling walang panalo ang Red Warriors matapos ang pitong laro sa first round.