Ni Mary Ann Santiago
Nanindigan ang church-based poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na hindi na dapat muling ipagpaliban ang halalang pambarangay dahil labag ito sa karapatan ng mamamayan na bumoto.
Ayon kay PPCRV National Vice Chairman for Internal Affairs Bro. Johnny Cardenas, dahil sa paulit-ulit na pagpapaliban sa halalan ay nawawala na ang demokratikong proseso sa pagkakaroon ng kapangyarihan ng mamamayan na maghalal ng mga mamumuno sa kanila.
“Hindi po dapat na ma-postpone pa ulit kasi masyadong tumagal na ‘yung mga postponements natin, at masyado naman nawawala ‘yung demokratikong proseso ng pagpili sa mga leaders natin sa barangay,” sinabi ni Cardenas sa panayam ng Radio Veritas.
‘I think kailangang pagtulung-tulungan ng mga taong Simbahan (na huwag ipagpalibang muli ang eleksiyon) sapagkat malaki po ang epekto sa ating buhay kung kailan pa magkakaroon tayo ng partisipasyon sa pagbabago at pagpili ng mga local government unit official. Postponement na lang nang postponement hanggang sa darating na panahon federalism naman ang isasalang sa ating harapan,” apela ni Cardenas.
Sa panahon ng administrasyong Duterte ay dalawang beses nang ipinagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections na itinakda ng Oktubre 31, 2016 at Oktubre 23, 2017.
Una nang tiniyak ng Malacañang na walang dahilan para muling ipagpaliban ang halalang pambarangay sa Mayo 14, 2018.