Ni Marivic Awitan

Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

6:30 m.g. -- Phoenix vs TNT Katropa

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

NAKATAYA ang huling quarterfinal slot sa paghaharap ng Phoenix at TNT Katropa ngayon sa krusyal na laro ng 2018 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.

Binuhay ng Fuel Masters ang tsansa na makahabol para sa nalalabing playoffs spot makaraang igupo ang Globalport nitong Biyernes ng gabi sa pagtatapos ng elimination round.

Dahil sa panalo, tumabla ang Phoenix sa Katropa, Blackwater at sa biktima nilang Batang Pier sa markang 5-6.

Ibinigay sa Batang Pier ang ikapitong quarterfinals berth dahil sa pagkakaroon ng pinakamataas na quotient habang nasibak naman ang Elite at naging ikatlong koponang na-eliminate kasama ng Kia at Meralco dahil sa pagkakaroon namang ng pinakamababang quotient.

Inaasahang matinding sagupaan ang matutunghayan sa pagitan ng Fuel Masters at Katropa para sa inaasam nilang makatungtong ng susunod na round.

Para kay Phoenix coach Louie Alas, umaasa siyang natuto na ang kanyang players sa nakaraang 104-100 na panalo nila kontra Globalport partikular sa punto ng pagtapos sa isang laro na naging napakalaking problema nila sa simula pa lamang ng conference.

“Yun talaga ang problema namin kung paano tatapos and I hope we learned from it tonight,” ani Alas makaraan ang panalo sa Globalport.

Sa panig ng Katropa, umaasa naman si coach Nash Racela na makakapag execute sila ngayon ng maayos lalo na sa kanilang depensa upang hindi masayang ang huling tsansang napasakamay nila upang di makapagbakasyon ng maaga.