Ni Angelli Catan

Sa kabila ng kinakaharap na kontrobersiya ng Boracay Island ngayon dahil sa paglabag sa environmental rules and regulations ng ilang establisimyento roon, ay patuloy pa ring umaangat ang pangalan ng isla, matapos itong pumangalawa sa Top 25 Beaches in Asia ng TripAdvisor.

Dahil sa mga pagkilalang ito ay nag-aalala ang mga eksperto na baka dahil sa nananatiling kasikatan ng Boracay ay lalo pang mapariwara ang isla.

Sinisisi rin ang malalaking establisimyento sa pagkakaroon ng polusyon at maraming basura sa isla. Ang hindi pagsunod sa environmental rules at kawalan ng mga permit ng ilang establisimyento sa Boracay ang isa mga gustong maayos ng gobyerno.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ilang beses nang kinilala ang Boracay bilang isa sa pinakamagagandang isla sa mundo, kabilang na ang pangunguna sa Conde Nast Traveler Reader’s Choice Awards 2017. Pumangalawa sa listahan ang mga isla ng Cebu at Visayas, habang nasa ikatlong puwesto naman ang Palawan.

Ang mga nasa listahan ng Conde Nast Traveler Reader’s Choice Awards ay ibinoto ng halos 300,000 traveller sa buong mundo, ayon sa website nito.

Una nang iginagawad ng Conde Nast Traveler sa Boracay ang kaparehong pagkilala noong 2016. Panglabinlima ang Boracay noong 2015, at nasa ika-12 naman noong 2014.

Pumangatlo naman ang Boracay sa world’s best islands list ng Travel + Leisure, na pinangunahan ng Palawan.

Sa 7,107 isla ng Pilipinas, isa ang Boracay sa pinakasikat at pinakadinadayo ng mga Pilipino at lalo na ng mga banyaga. Ang powdery white sand ang pangunahing atraksiyon ng isla. Ang nightlife, magandang sunsets, at crystal blue waters ay mga dahilan din kung bakit nagiging paborito ito ng mga turista.

Ayon kay Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo, maipagmamalaki rin ang mga cultural heritage sites at masasarap na pagkain sa Boracay. Marami ring mga aktibidad na siguradong babalik-balikan ng mga turista tulad ng diving, windsurfing, snorkelling at iba pa.

Totoong isa mga pinagmamalaki ng ating bansa ang Boracay, pero kailangan at mahalagang mapangalagaan ito upang mapanatili ang gandang dinarayo ng mula sa iba’t ibang dako ng mundo.