Ni Mary Ann Santiago

Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DoH) na may outbreak ng tigdas ngayon sa isang barangay sa Taguig City.

Batay sa tala ng DoH, pitong kaso ng tigdas ang naitala sa hindi muna tinukoy na barangay sa siyudad.

Napaulat na pawang bata ang dinapuan ng nasabing sakit, bagamat maayos na ang lagay ng mga ito, ayon kay Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Nagbabala naman si Domingo na kung hindi kaagad maaagapan ay maaaring makamatay ang tigdas, lalo na sa sanggol.

Ang tigdas ay isang nakakahawang sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.

Mas madalas ng tigdas ang mga sanggol na nasa tatlong buwang gulang, at kabilang sa mga sintomas ang lagnat at rashes sa katawan.

Una nang nagdeklara ng measles outbreak ang DoH sa Zamboanga at Davao City, gayundin sa Region 3.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang pagkakaroon ng outbreak ng sakit, na dati nang nasolusyunan ng DoH sa pamamagitan ng pagbabakuna, ay dahil na rin sa takot ng mga tao na pabakunahan ang kanilang mga anak, simula nang pumutok ang kontrobersiya sa Dengvaxia.

Kaugnay nito, hinikayat ni Domingo ang publiko na huwag matakot na magpabakuna sa mga health center o pagamutan para maiwasan ang tigdas.