Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, at ulat ni Tara Yap

Umaasa ang pamahalaan ng Pilipinas na lilitisin at parurusahan ng mga awtoridad si Nader Essam Assaf, ang Lebanese na dating amo ng pinatay na overseas Filipino worker (OFW) na si Joanna Demafelis sa Kuwait, noong 2016.

Kinumpirma nitong Biyernes ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkakaaresto sa Lebanese, at idinagdag na masus ang pagtugis ng Interpol kay Assaf, at sa asawa nitong si Mona Hassoun, isang Syrian na pinaniniwalaang nagtatago sa Syria.

Sa isang pahayag kahapon ng umaga, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bagamat positibong balita ang pagkakadakip sa sinasabing pumatay kay Demafelism mahalagang mabigyan ng hustisya ang Pinay domestic helper.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We are thankful for the arrest but hoping that they be prosecuted and punished for Joanna’s murder,” ani Roque.

Kasabay nito, sinabi ni Roque na pananagutin din ang recruiter ni Demafelis, at inatasan na ni Pangulong Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na ipatawag ang mga ito.

Dumalaw sa burol ni Demafelis sa Sara, Iloilo, labis na ikinagalit ng Pangulo ang sinapit ni Demafelis, kaya nag-utos ito ng total non-deployment ban sa Kuwait.

“Galit talaga ako. Wala nang pupunta doon,” sinabi ni Pangulong Duterte nitong Huwebes. “It behooves upon the police of Kuwait and the Interpol, there’s a serious crime. Problema nila ‘yan. Basta ako, the ban stays. No deployment of Filipinos, whatsoever, to Kuwait,” sabi pa ng Pangulo.

“Hindi na kayo kailangang pumunta sa labas. Huwag kayong pumunta sa labas kasi I cannot protect you. Magtiis-tiis na lang tayo rito,” sabi pa ni Duterte.

“Konting tiis lang. I’m on my second year. Maybe towards the end of the third year and the early part of the fourth year medyo angat na tayo,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, hiling naman ng pamilya Demafelis na ma-extradite sa Pilipinas ang Lebanese.

“Kon pwede, diri idal-on sa Pilipinas (Kung puwede, dapat na dalhin sila rito sa Pilipinas),” sabi ni Joyce Demafelis, bunsong kapatid ni Joanna.

Gayunman, sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na may prosesong umiiral na dapat na litisin ang kaso kung saan nangyari ang krimen—sa kasong ito, nangyari ang krimen sa Kuwait, bagamat ang mga suspek ay isang Lebanese at isang Syrian.