Ni Martin A. Sadongdong at Vanne Elaine P. Terrazola

Hindi papayagan ng Philippine National Police (PNP) ang anumang kilos-protesta sa paggunita sa ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa EDSA Quezon City sa Linggo.

Ito ang inihayag kahapon ni Chief Supt. John Bulalacao, tagapagsalita ng PNP, sinabing nakipag-ugnayan na sila sa lokal na pamahalaan ng Quezon City upang tiyaking walang kilos-protesta ang maaprubahan at maisagawa sa gitna ng mga aktibidad sa paggunita sa EDSA, na may temang “EDSA 2018: Effecting Change Towards Strengthened Democracy”.

Magsisimula ang aktibidad ng 9:00 ng umaga at matatapos ng 12:00 ng tanghali.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“During the celebration, wala kaming pinayagan na mag-conduct ng rally dahil siguradong makakagulo ‘yan but after and even before puwede naman,” ani Bulalacao.

Sinabi pa ni Bulalacao na ipinag-utos ni PNP chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang pagpapakalat ng 1,850 pulis upang tiyakin ang security coverage, traffic management, emergency preparedness and response, at iba pang public safety services sa aktibidad.

Sinabi rin ni Bulalacao na walang namo-monitor ang PNP na banta ng terorismo sa Metro Manila sa Linggo, bagamat mananatiling nasa full alert status ang buong puwersa ng pulisya.

Kaugnay nito, iginiit naman ni Senator Francis Pangilinan na ang EDSA People Power Revolution ay hindi tungkol sa mga “dilawan” kundi sa pakikipaglaban para sa demokrasya.

“Ang totoo n’yan hindi nga naman usapin ang Dilaw versus anumang kulay. ‘Yung People Power was democracy versus dictatorship,” sinabi ni Pangilinan sa sidelines ng pagdinig sa Cagayan de Oro City nitong Huwebes.

“It was a struggle not between colors. It was a struggle against an abusive, corrupt dictator and everyone who participated in opposing that corrupt and abusive regime should be welcome to participate,” dagdag ng senador.