Ni Clemen Bautista
NAGBUNGA ng tagumpay ang maayos at mahusay na programa sa sports o palakasan ng pamahalaan panlalawigan ng Rizal sapagkat muling namayagpag ang mga manlalarong Rizalenyo matapos na ang lalawigan ng Rizal ay muling tanghaling over-all champion sa Southern Tagalog CALABARZON Athletic Association (STCAA) nitong Pebrero 12-16, 2018. Ang palaro ay ginanap sa San Pablo City.
Ang lalawigan ng Rizal ay humakot ng 102 gold, 76 silver at 60 bronze medal. Ang pagiging over-all champion ng lalawigan ng Rizal ay ang ikapitong taon na sa STCAA. Lumahok at umani ng mga medalya ang mga atletang Rizalenyo sa may 26 na iba’t ibang sports event.
Ayon kay Rizal Governor Rebecca Nini Ynares, patunay ang sunud-sunod na pagkapanalo ng lalawigan sa umaapaw na talentong taglay ng mga manlalarong sumabak sa nasabing kompetisyon. Kahanga-hanga ang dedikasyon at sipag ng mga Rizalenyo sa iba’t ibang larangang kanilang nilahukan. Nagpakitang gilas ang halos 700 kabataang manlalaro kabilang dito ang 103 atleta mula sa Antipolo City. Ngayong 2018, muling nagsanib-puwersa ang lalawigan ng Rizal at ang Antipolo City.
Ayon naman kay Antipolo City Mayor Jun Ynares, ang pagbabalik umano ng Rizal-Antipolo tandem ay hindi lamang magiging daan sa mas pinalakas na pagkakaisa ng pamahalaang lungsod at ng lalawigan sa larangan ng sports o palakasan kundi magsisilbing inspirasyon din sa lahat ng kabataang atleta na magkaisa at magkapit-bisig na harapin ang mga hamon ng buhay.
Nakahanda na ang lalawigan ng Rizal na lalo pang palakasin ang mga programa nitong pang-sports o pampalakasan para mabigyan ng sapat na pagsasanay o ensayo at paglinang ng talento ng kabataan na mahilig sa sports. Layunin din ng lalawigan na mas marami pang kabataan ang mahikayat o maengganyo na tumutok na lamang sa sports kaysa magbisyo.
Samantala nitong Pebrero, inilunsad ng Tanggapan ng Turismo sa Rizal ang ART ABANIKO Contest. Ang timpalak ay nilahukan o sinalihan ng labintatlong bayan at isang lungsod sa Rizal. Ang paligsahan ay kaugnay ng YES (Ynares Eco System) To Green Program na flagahip project ni Rizal Governor Rebecca Nini Ynares. Ang tawag naman ay YES SIKAT (Sining, Kalikasan at Tradisyon) ng Rizal. Ang tema o paksa ng timpalak ay: “Inang Kalikasan...Natatanging Babae ng Bayan”.
Bawat bayan ay binigyan ng isang maliit at malaking abaniko. Kapag ibinuka ang malaking abaniko, ito ay may sukat na 2.5 feet. Ang maliit na abaniko naman ay may sukat na 1 foot. Ang nasabing mga abaniko ay lalagyan ng likhang-sining o art work na magkaugnay na iginuhit ng napiling contestant ng mga bayan at lungsod sa Rizal na Grade 7 hanggang Grade 12 na mag-aaral sa public school sa Rizal.
Ang mga abaniko na may art work o likhang-sining ay idi-display o ilalagay sa lobby ng SM Masinag sa Antipolo City sa bubuksan na ABANIKO ART EXHIBIT mula Pebrero 28 hanggang Marso 9 na Buwan ng mga Kababaihan at pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan Tampok, na ang panauhing tagapagsalita at magbubukas ng exhibit ay si Rizal Governor Rebecca Nini Ynares.
Ang Abaniko Art Exhibit ay dadaluhan din mga taga-Rizal Provincial Tourism Office sa pangunguna ni Dr. Corazon Laserna, Tourism Officer ng Rizal; ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at ng mga mayor ng 13 bayan at isang lungsod sa Rizal.
Sa Marso 10, 2018, ang Art Abaniko Exhibit ay ililipat sa lobby ng Rizal Provincial Capitol, Antipolo City.