Ni PNA
PINAPLANO ang isang integrated fisheries management plan upang protektahan ang karagatan ng Visayas.
Ipinahayag ito ni Iloilo Provincial Agriculturist Ildefonso Toledo, na isa sa mga gagawing hakbangin, batay sa napagkasunduan sa pagpupulong nitong Lunes, kasama ang Oceana at mga kinatawan mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Region 6 at mga lokal na pamahalaan na saklaw ng karagatan sa Visayas, ang Iloilo, Negros Occidental, Capiz, Cebu at Masbate.
Ang Oceana ay isang non-government organization na nakatutok sa pagpapanatili at pangangalaga sa tirahan ng mga isda sa dagat.
Binigyang-diin ni Toledo na kailangang pangalagaan, protektahan, at isabuhay muli ang karagatan sa Visayas, dahil humihina at nasisira na ito.
“There are 33 municipalities adjoining the Visayan Sea. This will be a big work but we are hopeful,” aniya nang kapanayamin nitong Miyerkules.
Sinabi ni Toledo na sa integrated fisheries management plan, magkakaroon ng mga natatanging hakbangin kung paano makikita ang kabuuan ng dagat sa Visayas.
“It would start from resource management, law enforcement and other components. There might also be alternative livelihood because if there will be displaced fisherfolks as a result of the intensification of our campaign against illegal fishing, we need to be ready to provide them with alternatives,” paliwanag niya.
Samantala, napagkasunduan din sa pagpupulong na magkaroon ng summit, ayon kay Candeze Mongaya, communications associate ng Oceana.
Aniya, nagpaplano sila na magsagawa ng “enforcement summit” sa Mayo, kung saan titipunin ang mga kinatawan mula sa limang lalawigan na saklaw ng karagatan sa Visayaw at kanilang mga “Bantay Dagat” task force.
Inilahad ni Mongaya na ang Visayas Sea ang pangatlo sa pinakamalaking pangisdaan sa Pilipinas, na sumusuporta sa halos kalahating milyong mangingisda, ngunit marami pa rin ang problema, lalo na ang ilegal na pangingisda.
Aniya, lilikha ng plano at mga inisyatibo ang mga makikibahagi sa summit, upang mas maprotektahan pa ang pangisdaan sa karagatan ng Visayas.