Ni Genalyn D. Kabiling

Dahil sa tambak niyang trabaho at sa napakaraming oras na ginugugol sa pagganap sa mga ito, naniniwala si Pangulong Duterte na deserving siya sa mas mataas na suweldo.

Sinabi ng Presidente na ang “ideal” na suweldo niya ay nasa P1 milyon, gayung P200,000 lamang ang sinasahod niya buwa-buwan bilang pinakamataas na opisyal ng bansa.

“Sa pagod ko, tapos alam mo ang suweldo ko? 200. Dalawa ang asawa ko,” sinabi ni Duterte nang bumisita siya sa Camp General Adriano Hernandez sa Dingle, Iloilo nitong Huwebes.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Ang ideal salary ko, ako… ako ang mag-estimate, dapat sa akin talaga, walang biruan—one million 500. Oo. Sa pagod ko,” anang Pangulo.

Nasa ikalawang taon na ng kanyang termino, sinabi ni Duterte na napaka-busy ng kanyang schedule araw-araw, kabilang na ang mga pulong sa Malacañang at ang pagbibiyahe niya sa mga lalawigan.

Ibinunyag pa ng 72-anyos na lider—na karaniwan nang nagsisimula ng trabaho ng 1:00 ng hapon na umaabot hanggang madaling-araw—na hindi pa kasama sa nabanggit niyang buwanang suweldo ang kanyang meal allowance.

“Nagrereklamo ako sa kanila. 200? Wala akong meal allowance, wala akong representation. Ako lang mag-isa mag-uwi, puntang opisina, tsaka ‘yung barge ko na bugbugbugbugbugbug. Super hina,” anang Pangulo.

Kasalukuyang nakatira si Duterte sa Bahay Pagbabago, na matatagpuan sa Malacañang Park sa tapat ng Pasig River mula sa mismong Palasyo. Halos linggu-linggo rin siyang nagbibiyahe mula sa Maynila patungong Davao City at pabalik tuwing weekends.