Ni HANNAH L. TORREGOZA, at ulat ni Bert de Guzman

Malaki ang posibilidad na mahirapang lumusot sa Senado ang panukala sa diborsiyo, dahil ngayon pa lamang ay ilang senador na ang mariing tumututol sa panukalang kapapasa lang sa Kamara de Representantes.

Sinabi ng nag-iisang walang asawa sa Mataas na Kapulungan, si Senator Sherwin Gatchalian, na hindi siya naniniwala sa nasabing panukala dahil naniniwala siyang ang pag-aasawa ay hindi dapat na parang “drive-thru” lang.

“What we need is a clear process and reasonable process for our constituents to follow because the current process of separation right now is so expensive for them that they have to go through the eye of a needle,” ani Gatchalian. “I do believe that one of the grounds of separation is when a relationship is marred with violence or abuse.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Iginiit ni Gatchalian na kontra siya sa “express or a drive-thru” na diborsiyo.

“Hindi puwede ‘yung ayoko na sa mukha mo, divorce na tayo. Gawin nating reasonable ang proseso. Dapat dumaan pa rin sa korte, pero hindi katulad ng proseso ngayon na umaabot ng tatlo o limang taon,” paliwanag ni Gatchalian.

Aniya, dapat na magpanukala ang mga mambabatas ng divorce bill na layuning magbigay ng proteksiyon sa kababaihan at mga batang naiipit sa mga mapang-abusong relasyon.

“I think we need to look at the angle of giving protection to women,” ani Gatchalian.

Sinabi naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi niya susuportahan ang panukala “at the outset”, pero sinabing handa siyang busisiin ito o ang ihahaing bersiyon ng Senado rito.

“My primary concern is the sanctity of marriage. Needless to say, I don’t want marriage and separation to be a ‘dime a dozen’ affair,” aniya.

Mariin namang sinabi ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na siya ay “definitely” kontra sa diborsiyo, at ang tsansang pumasa ito sa Senado ay “slim”.

Sumailalim mismo sa proseso ng annulment sa dati niyang asawa, sinabi ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na pabor siyang gawing mas abot-kaya atv accessible ang umiiral na proseso ng annulment alinsunod sa Civil Code at Family Code, sa halip na palawakin ang grounds sa ipapasang divorce law.

Mariin din ang pagtutol ni Sen. Joel Villanueva sa diborsiyo, at sa halip ay isusulong niya “to make the country’s annulment laws be simplified and not anti-poor.”

Tanging si Sen. Risa Hontiveros ang hayagang nagpahayag ng kahandaang suportahan ang nasabing panukala.

Miyerkules nang aprubahan ng House committee on population and family relations, na pinamumunuan ni Laguna Rep. Sol Aragones, ang divorce bill na magpapadali sa access ?”to legal processes for the dissolution of a marriage.”

Pinalitan ng aprubadong panukala (Act Instituting Absolute Divorce In The Philippines) ang House Bills 116, 1062, 2380 at 6027.