Ni Genalyn Kabiling at Beth Camia

Pinagbawalan ng Malacañang na makapasok sa bisinidad ng Palasyo ang reporter ng online news entity na Rappler.

Pinigil ng miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang pagpasok ng Rappler reporter na si Pia Ranada sa New Executive Building (NEB) entrance gate, na pagsunod lang umano nito sa kautusan ng nakatataas.

Ang NEB ay para sa mga nagtatrabahong media, at kinaroroonan din ng mga tanggapan ng Presidential Communication Operations Office (PCOO) at ng Office of the Presidential Spokesman.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Pinahintulutan din naman si Ranada na makapasok sa bisinidad ng Palasyo kasunod ng koordinasyong isinagawa ng mga opisyal ng Malacañang Press Corps (MPC) sa Presidential Communications Operation Office. Si Ranada ay miyembro ng MPC.

“PSG said I can enter the press working area in NEB but not Malacañang Palace itself,” ani Ranada.

Nangyari ang insidente isang araw matapos batikusin ni Special Assistant to the President Christopher Go ang Rappler at Philippine Daily Inquirer sa paglalathala umano ng “fake news” kaugnay sa umano’y pakikialam ng opisyal sa frigate acquisition project ng Philippine Navy, sa pagdinig dito ng Senado nitong Lunes.

Sa press conference, itinanggi ni Presidential Spokesman Harry Roque na may alam siya sa nasabing pagbabawal ng PSG kay Ranada.

Nilinaw naman ng Malacañang na maaari pa ring kumober si Ranada sa mga aktibidad ng Pangulo at sa iba pang press briefing sa Palasyo habang nakaapela ang kaso ng Rappler sa Court of Appeals (CA) laban sa pagkansela ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa registration ng news site.