Ni Marivic Awitan

TULAK ng bibig, kabig ng dibdib.

Sa ganitong kasabihan nagtapos ang sentemyento ni Gilas coach Chot Reyes kay Alaska ace guard Calvin Abueva.

Ilang araw matapos, itanggi ang naipahayag ni Abueva na nakabalik na siya sa Gilas line-up, pormal na ipinahayag ni Reyes na kasama si Abueva sa National Team na sasabak sa second window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Tumulak kahapon patungong Melbourne, Australia ang Gilas --- kasama si Abueva.

Nauna nang inalis ni Reyes si Abueva sa team noong nakaraang buwan dahil sa kabiguang makadalo sa mga naunang ensayo bunsod ng problemang personal.

Ngunit, nagbalik ang tinaguriang ‘The Beast’ matapos maayos ang gusot.

Matapos ang ilang araw na ensayo, sa panayam ng media na nagkokober ng ensayo ng Gilas, naipahayag ni Abueva na ibinalik na siya sa koponan. Kagyat naman itong itinaggi ni Reyes.

“Sinong may sabi?,” sagot noon ni Reyes sa panayam.

Bukod kay Abueva, nadagdag din sa team ang De La Salle Green Archer at kasalukuyang naglalaro sa Marinerong Pilipino sa PBA D League na si Abu Tratter.

Ipinasok ang Filipino-American big man bilang kapalit ni Troy Rosario na wala pang medical clearance kasunod ng insidente sa laro ng TNT Katropa noong Pebrero 7.

Ang iba pang nasa line-up base sa ginawang post ni Reyes sa kanyang official twitter account ay sina Jayson Castro, Gabe Norwood, June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Andray Blatche, Roger Pogoy, Matthew Wright, Allein Maliksi, Carl Cruz, Jio Jalalon, Kiefer Ravena, at Kevin Alas.

Nakatakdang makasagupa ng Gilas ang national team ng Australia sa Huwebes-Pebrero 22. At pagkatapos noon ay babalik din sila agad ng Pilipinas upang maghanda sa susunod nilang laro kontra Japan sa Linggo -Pebrero 25 sa SM Mall of Asia Arena.

Target ng Nationals ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa Group B ng Asian Qualifiers.