Buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Tourism Secretary Wanda Teo sa kabila ng kontrobersiya sa mga biyahe nito sa ibang bansa kamakailan, sinabi ng Malacañang kahapon.

Kinilala ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang mga biyahe sa ibang bansa ni Teo ay bahagi ng tungkulin nito para makahikayat ng mga turista na bibisita sa bansa.

“All Cabinet members enjoy the trust of the President,” ani Roque sa panayam sa radyo, nang tanungin kung may tiwala pa rin ang Pangulo sa tourism secretary.

“Nagpaliwanag na si Secretary Teo at itinanggi ang lahat ng mga alegasyon laban sa kanya. At naniniwala kami na ang lahat ng ito ay dokumentado,” dugtong niya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Binanggit ni Roque na isa sa requirements para sa mga opisyal na biyahe sa ibang bansa batay sa guidelines ng Pangulo ay dapat sakop ng mandato ng requesting official ang layunin ng biyahe. “Bilang kalihim ng Department of Tourism, trabaho ni Secretary Teo na ilako ang Pilipinas. Otherwise, she would be negligent of her duty,” dugtong niya.

Ayon kay Roque, nilinaw ni Teo na ang dinala niya ay kanyang executive assistant, at hindi make-up artist gaya ng mga napaulat.

Sinabi rin niya na ang Commission on Audit (COA) ay mayroong mga patakaran sa kung sino ang maaaring isama sa official trips ng Cabinet officials. At hindi ilalabas ang travel funds kung ang executive assistant ni Teo na si Angelito Ucol ay walang necessary appointment paper.

Ipinagtanggol din ni Teo ang kanyang desisyon na payagan ang department utility workers na sumama sa tourism cruise, dahil libre naman ang mga ito. Sinabi niya na nagbigay siya ng libreng cabin passes sa low-ranking personnel sa halip na mga opisyal dahil hindi pa sila nakapagbiyahe simula nang magtrabaho sa DOT. - Genalyn D. Kabiling