Ni Clemen Bautista
ISANG tradisyon at kaugalian na ang pagdiriwang ng kapistahan sa iba’t ibang bayan sa mga lalawigan. Nagpapakita ito ng matapat, taus-puso at walang maliw na pagpapasalamat sa Dakilang Maykapal sa mga blessing o biyayang natanggap, may krisis man o wala ang panahon. Ganito ang nagaganap ngayong ika-18 ng Pebrero sa mga taga-Taytay, Rizal na nagdiriwang ng kanilang pistang-bayan. Ang pagdiriwang, bagamat walang maluhong paghahanda ay gagawing natatangi, makahulugan at ng may pagpapahalaga sa kanilang patron saint na si San Juan Bautista.
Ayon kay Taytay Mayor Joric Gacula, sa pagdiriwang ng kapistahan ng bayan ng Taytay bilang pagpapahalaga, ang pamahalaang bayan ay naglunsad ng iba’t ibang activity o gawain. Nakapaloob ang mga gawain sa HAMAKA Festival (acronym ng HAMba, MAkina at KAsuotan). Ang Taytay ay ang kinikilalang Garment Capital ng Pilipinas.
Inihudyat ang simula ng Hamaka Festival nitong Pebrero 7, na Araw ng Pasasalamat (Praise and Worship) na ginanap sa Kalayaan Park. Sinundan ang Hamaka Extra Challenge at Serenata ng mga banda ng musiko. At noong Pebrero 9, ginanap ang Hamaka Kick Off parade, Palarong Pinoy, ang pagtatanghal ng Dep-Ed Taytay na tinampukan ng mga guro at mag-aaral.
Naging bahagi rin ng Hamaka Festival ang Zumba marathon, Hamaka Bikefest, Little Mr.& Ms.Taytay 2018, Ginoo at Mutya ng Hamaka. At nitong Pebrero 16, itinampok naman ang 2nd Hamaka Motorcycle Show, Salpukan sa Hamaka (Ring Girls Competition) at ang Ms. Gay Philippines Timeless Beauty.
At kahapon, Pebrero 17, tampok sa Hamaka Festival ang Hamaka Grand Civic Parade. Kalahok sa parada ang iba’t ibang business establishment sa Taytay, ang mga opisyal ng limang barangay sa Taytay mga naglilingkod sa lokal na pamahalaan ng Taytay at iba’t ibang civic organization sa Taytay. Ang mga business establishment at mga lumahok sa Hamaka Grand Civic Parade ay may kanya-kanyang karosa.Nagsimula ang Hamaka Grand Civic Parade sa harap ng bagong gusali ng munisipyo ng Taytay at natapos sa Kalayaan Park ng Taytay.
Ngayong ika-18 ng Pebrero na araw ng pagdiriwang ng kapistahan ng Taytay, Rizal, isang concelebrated mass bilang pasasalamat ang gagawin sa Simbahan ng parokya ni San Juan Bautista. Kasunod nito, sa gabi naman ng Pebrero 18 ay gaganapin ang Mayor’s Variety Show at tampok dito ang mga kilalang mang-aawit at bituin sa telebisyon at pelikula.
Ang Taytay, ayon sa kasaysayan ay isang dating komunidad o pamayanan na itinatag noong 1571 nang si Padre Alonzo de Alvarado, ng Villalobos expedition ay nagmisyon at ginawang Kristiyano ang naninirahan sa Taytay. Naging isang bayan noong 1675, at noong 183, ang Taytay ay naging bahagi ng itinatatag na Distrito Politico Militar de Morong (dating pangalan ng lalawigan ng Rizal). Nang maging lalawigan ang Rizal noong Hunyo 11, 1901, ang Taytay ay naging isa sa mga bayan ng Rizal. Naging isang nagsasariling munisipalidad noong 1913.
Mula noon, ang Taytay ay nagsimulang umunlad at hanggang ngayon ay patuloy na isang maunlad na bayan sa lalawigan ng Rizal, na nakamit dahil sa pagsisikap ng mga namuno noon at namumuno ngayon, kaakibat ang pakikipatulungan ng mga mamamayan.