ENERO 19 nang sinuspinde ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang pagpapadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ng pitong Pinoy sa nasabing bansa. Walang detalye tungkol sa kanilang mga pagkamatay, kundi mga ulat lamang ng pagmamaltrato sa maraming Pilipinong manggagawa ng kanilang mga amo.
Enero 25 nang ibinunyag ni Pangulong Duterte ang tungkol sa panghahalay sa isang Pinay na nagbunsod upang magpatiwakal ito, kaya naman nanawagan siya sa Kuwait at sa iba pang bansa sa Gitnang Silangan na tratuhin bilang tao ang mga manggagawang Pinoy. “We are poor, we may need your help, but we will not do it at the expense of the dignity of the Filipino,” aniya.
At nitong Pebrero 9, inihayag ni Pangulong Duterte na isa pang Pinay sa Kuwait ang natagpuang patay sa pinakakakatwang tagpo. Natagpuan siyang halos hubad na sa loob ng isang freezer sa isang abandonadong apartment. Gaya sa nakalipas na mga kaso, walang ibinigay na detalye tungkol sa pagsisiyasat ng pamahalaan.
Sa pagkakataong ito, pinangalanan ang biktima — si Joanna Demafelis — at nagmula siya sa Barangay Ferraris sa Sara, Iloilo. Mayroon siyang litrato — isa siyang magandang 28-anyos — at may pamilyang naglahad ng mga detalye tungkol sa pagpunta niya sa Kuwait noong 2014 upang magtrabaho sa isang Lebaneses at sa misis nitong Syrian. Huli siyang tumawag sa kanyang kapatid na babae noong huling bahagi ng 2016.
Nang dumulog ang kanyang pamilya sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) noong 2017, sinabihan umano sila ng OWWA na marami na itong iniimbestigahan na kaparehong kaso. Pagkatapos nito, ipinaalam ng OWWA sa pamilya na natagpuang pataya si Demafelis, halos hubad sa pagkakasiksik sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait.
Ano ang dinanas niya sa mga huling buwan, at linggo, at araw bago siya pinatay at ang kanyang bangkay ay ipinasok sa freezer? Ayon sa mga ulat, posibleng mahigit isang taon nang nagyeyelo sa freezer ang kanyang bangkay. Imposibleng mangyari ito sa ating bansa nang hindi natutuklasan ng pulisya. Paanong hindi ito natuklasan sa Kuwait?
Ngayon ay mayroon nang pangalan ang isa sa mga biktima—si Joanna Demafelis—isang Ilongga na nais kumita ng pera bilang OFW upang makalikom ng sapat na pera para makapagpatayo ng bahay para sa kanyang pamilya sa Iloilo at tulungang makatapos sa pag-aaral ang nakababata niyang kapatid na babae. Bago pa siya matagpuang bangkay, pitong Pinoy ang namatay sa Kuwait at isa sa kanila ang hinalay kaya nagpakamatay. Dahil sa sinapit ng pito, sinuspinde ni Pangulong Duterte ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait.
Ang pamamaslang kay Joanna ay sadyang nakapanghihilakbot at hindi makatarungan. Ipinag-utos na ng Pangulo ang total ban sa pagpapadala ng lahat ng manggagawang Pilipino sa Kuwait. Inatasan din niya ang DoLE na tulungan ang lahat ng OFW na nais nang umalis sa Kuwait sa susunod na 72 oras. Maaari silang sanayin para magkaroon ng trabaho sa mga construction project na sisimulan na sa bansa, alinsunod sa programang “Build, Build, Build!”
Ang proyekto para sa mga OFW na magsisiuwian mula sa Kuwait ay maaaring palawakin para saklawin na rin ang iba pang mga OFW sa mundo. Ang brutal na pagpatay kay Joanna ay dapat na maging hudyat upang pag-aralang muli ng ating mga opisyal ang programa ng pamahalaan sa pagpapadala ng mga manggagawa sa iba’t ibang bansa. May mga bansang tulad ng Kuwait at may mga manggagawang gaya ng mga kasambahay, na maaari nating limitahan ang pagpapadala upang maiwasan ang mga kasong gaya ng kay Joanna Demafelis ng Bgy. Ferraris, Sara, Iloilo.