Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi kakalas ang Pilipinas bilang miyembro ng International Criminal Court sa kabila nang nauna nitong pahayag na posibleng bumitaw ang bansa sa ICC.
Ito ang idiniin ni Duterte ilang araw matapos ipahayag ng ICC Office of the Prosecutor (OTP) na maglulunsad ito ng preliminary examination sa mga pagpatay kaugnay sa kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyon.
Ayon kay Duterte, imposible na ngayong gawin ng Pilipinas ang nasabing hakbang dahil lalabas na umiiwas ito sa pananagutan.
“Well, I do not want to appear na I’m trying to avoid liability. Eh kung ganun ang style nila,” sinabi ni Duterte sa mga mamamahayag sa Davao City.
Noong 2016, ipinahayag ni Duterte na pinag-iisipan niyang iurong ang membership ng Pilipinas sa ICC, dahil pawang maliliit na bansa lamang ang pinagtutuunan ng legal body.
Iimbestigahan ng OTP ang mga alegasyon laban sa Pangulo na idinulog ng abogadong si Jude Sabio sa ICC kasama ang self-confessed hitman na si Edgar Matobato bilang saksi sa mga pagpatay sa Davao City na diumano’y isinagawa ng Davao Death Squad sa utos ni Duterte.
Sa kabila nito, hindi pa rin natitinag si Duterte at sa halip ay tinatanggap ang preliminary examination bilang pagkakataon na maidepensa niya sa wakas ang sarili mula sa mga akusasyong ibinabato laban sa kanya.
Gayunman, nais niyang ma-cross examine si ICC Prosecutor Fatou Bensouda.
“Even if she [Bensouda] has filed a case, I will ask her to take the witness stand. I will go there to hear my case. Ilagay ko siya diyan,” ani Duterte.
Muli ring iginiit ni Duterte na pinag-iinitan lamang siya dahil maraming mas malalalang isyu sa mundo na dapat na higit na pagtuunan.
“Karami ngayong mass rape. Bakit ako? Ang namamatay dito kriminal. Ang mabuti sana kung walang namatay sa pulis ko pati sundalo ko,” giit niya.
Sakaling umusad ang ICC review sa kanya, sinabi ng Chief Executive na nais niyang mamatay tulad ni Jose Rizal, sa halip na mabulok sa kulungan.
“If you convict me, find a country that promotes death penalty and kill me by a firing squad. I would be very happy to face them,” ani Duterte.