Ni MARIVIC AWITAN
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 n.h. --NLEX vs. Alaska
6:45 n.h. --Barangay Ginebra vs.TNT Katropa
MAITULOY ang ratsada na manatili sa pamumuno ang tatangkain ng Alaska sa pagsabak nila ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2018 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Kakalabanin ng Aces para sa target nilang ikapitong sunod na panalo ang NLEX Road Warriors sa pambungad na laro ngayong 4:30 ng hapon.
Umangat ang Aces sa ibabaw ng standings matapos magposte ng anim na dikit na panalo, pinakahuli kontra Globalport noong nakaraang Linggo (105-98), at pagkaraang ma-upset ng dating solong lider na San Miguel Beer sa Blackwater, 96-106, noong Biyernes ng gabi na nagresulta sa 3-way tie sa ibabaw kasama ng Magnolia Hotshots na may laro naman kahapon sa Pangasinan kontra Rain or Shine.
Muling aasahan ni Coach Alex Compton upang mamuno para sa Aces sina Vic Manuel, Chris Banchero, JV Casio, Calvin Abueva at rookie Jeron Teng.
Sa kabilang dako, tatangkain naman ng tropa ni Coach Yeng Guiao na dugtungan ang naitalang back-to-back wins, pinakahuli ang 87-85 na pag -ungos sa Meralco noong Miyerkules upang makaahon sa kinalalagyang 4-way tie sa patas na markang 4-4 kasalo ng Phoenix at ng magsasagupa sa tampok na laro ngayong 6:45 ng gabi na Barangay Ginebra at TNT Katropa.
Samantala sa tampok na laro, nakabalik sa winning track matapos ang 103-77 panalo kontra Kia Picanto noong Miyerkules, nais ng Gin Kings na tratuhin lahat ng nalalabi nilang laro sa eliminations na playoffs game para makakuha ng magandang puwesto sa susunod na round.
“This is the start of the playoffs so this is game one of our playoffs,” pahayag ni LA Tenorio sa nakaraang laban nila kontra Kia. “On Sunday, that will be our game two, that’s our mindset already.
“When you’re in the playoffs, you can’t afford to make mistakes or let go of one possession. So it’s really important for us to be in playoff mentality, “ dagdag niya.