Ni ROY C. MABASA, at ulat ni Leslie Ann G. Aquino

Kinumpirma ng gobyerno ng Pilipinas na Pinay ang bangkay ng babae na natagpuan sa freezer ng isang bakanteng apartment sa Kuwait sa unang bahagi ng linggong ito.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, batay sa resulta ng DNA test ay kinilala ang bangkay na si Joanna Daniela Dimapilis, taga-Iloilo.

Sinabi naman ni Atty. Raul Dado, dating director ng Office of Migrant Workers Affairs, na nagpadala na ang Philippine Embassy sa Kuwait ng note verbale sa Kuwaiti Ministry of Foreign Affairs kaugnay ng natagpuang bangkay sa freezer.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Dagdag pa ni Dado, nakikipag-ugnayan na ang embahada sa pulisya at forensics ng Kuwait, at inihahanda na nila ang mga legal na hakbangin kaugnay ng krimen.

Naglunsad na rin nitong Huwebes ng imbestigasyon ang Kuwaiti Ministry of Interior kaugnay ng insidente.

MAHIGIT 1 TAONG FROZEN

Batay sa inisyal na ulat at sa report ng pahayagang Kuwaiti na Al Rai, nadiskubre ang bangkay ni Dimapilis makaraang magpalabas ng court order sa may-ari ng apartment upang bakantehin ang pasilidad para sa proseso ng re-possess.

Nobyembre 2016 pa bakante ang nasabing apartment makaraang lisanin ng umupa roon, isang Lebanese at misis nitong Syrian, at umalis sa Kuwait. Nanatiling nakakandado ang pinto ng apartment simula noon.

Nabatid na wanted ng Kuwaiti authorities ang Lebanese dahil sa mga kaso nito, makaraang mahatulang mabilanggo ng 14 na araw.

‘MISSING’

Ang Lebanese ang amo ni Dimapilis, isang household service worker, na iniulat nitong nawawala dalawang araw bago umalis ang mag-asawa palabas ng Kuwait.

Samantala, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi pa natutukoy ang ikinamatay ni Dimapilis dahil hindi pa kumpleto ang DNA testing dito.

“’Pag na-defrost siguro makukuha na nila ang DNA testing, ang dahilan kung paano namatay ang ating kababayan,” ani Bello.

Matatandaang iniutos kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensiyon ng deployment ng mga Pinoy sa Kuwait kasunod ng mga kaso ng pagmamaltrato sa mga Pinay na domestic helper.

Sa ngayon, may 265,000 Pinoy sa Kuwait, kabilang ang 165,000 domestic helper.